Saturday, 2 July 2011

Pinoy Ca Na Dian Chapter 5

IKALIMANG TSAPTER
Newsboy

SA HIGH SCHOOL ko unang natikman ang umepal sa dyaryo bilang tindera at manunulat.
Konti pa lang ang tao sa paaralan ko noon. Halos kilala ko lahat ng estudyante at guro. Ganoon din sila sa akin lalo na’t Rico Puno ako ng Pines.
Kalahating araw lang ang pasukan kaya doon ko naisipang magtinda na lang ng diyaryo sa umaga. Newsboy sa umaga, estudyante sa hapon. Sayang din ang kita at mayroon pa akong baon araw araw.
Hindi naman ako pinigilan ng mga magulang ko dahil madalas nasa gala din lang naman daw ako. Certified Batang kalye na talaga ako.
Gigising ng mga alas-singko ng umaga at walang hila-hilamos, naglalakad na ako mula bahay sa Naguillian road tabi ng punerarya lagpas pa sa isa pang punerarya tapos City Hall  at fire station patungong looban ng palengke na kung saan naroroon ang mga malalaking distributors ng dyaryo. Tatlo lang sila noon-sina Daludado, Alcantara at Nonog.
Halos madilim pa pagdating ng mga trak ng dyaryo galing ng Maynila. Mula sa kalsada sa tapat ng Malcolm Square ( na kung saan may overpass na at Peoples’ Park na ang tawag ngayon) binubuhat na namin papasok ang mga bundles ng dyaryo. Ang isang bundle ay isang balot ng nakataling sinkwentang dyaryo. Siguro nga dahil sa kabubuhat ng dyaryo ay hindi na ako lumaki. Hindi pa naman uso ang Cherifer noong araw at ang mga hugis hayop na mga multi-vitamins ay para sa mga mayayaman lang na classmates ko.
Kaming mga small-time ang taga-buhat pero iyung mga matatanda ang nauunang nabibigyan ng dyaryo. Sila iyung mga beterano at tumanda na sa paglalako. Maniwala ka, iyung iba ay nakikita ko pa sa Session Road at palengke na nagtitinda pa rin ng dyaryo.
Mataas na ang sikat ng araw tsaka lang kami nabibigyan ng dyaryo. Pag tinanghali ka, wala na masyadong bumibili sa palengke kaya nilalakad ko ang mga bahay-bahay sa amin na naging suki ko na rin ako.
Tatlo lang ang malalaking dyaryo o broadsheets noong araw. Bulletin Today, Times Journal at Daily Express—lahat ay kontrolado ni Makoy.
Hindi mahirap magsisisigaw sa kalsada habang bitibit ang dyaryo na may sapin o ap-ap na Manila paper na makapal. Ilan lang ang binibigay sa aming dyaryo noon. Limang Bulletin, tatlong Times at tatlong Express.
Kaya ang sigaw lang noon sa kalsada ay BUH-LLEEETIN, JOURNAL EX-PRESSSS!!! Dapat dire-diretso ang bigkas, huwag hihinga at malakas ang pagsigaw at presto may susutsot na sa iyo. Siguraduhin mo lang na walang aso sa likod mo at baka hindi ikaw ang tinatawag.
Mayroon ding tabloids o mas maliliit na dyaryo gaya ng Balita, People’s Journal at Tempo. Medyo bago pa lang ang Tempo noong araw kaya madalas babaeng nakapanty lagi ang nasa centerpage.
Sitenta sentimos ang isang dyaryo at may kita akong diyes sentimos bawa’t isa. Pwede ko’ng patungan hanggang kinse sentimos ang bawat isa kung dinadala ko sa mga bahay-bahay ng mga suki ko.
Tuwing Linggo ang da best magtinda. Kung pwede nga lang sana madagdagan ang dyaryo pero talagang hanggang limang Bulletin, tatlong Times at tatlong Express lang ako. Pabigat pa naman ang Women’s Woman’s at MOD magazines.
Hindi ko kayang bitbitin ang lahat ng dyaryo kaya madalas sa bumbunan ko nilalagay ang mga dyaryo at magazines ko. Kaya siguro talagang di na ako pwedeng lumaki. Mula palengke, tatawid ng Malcolm Square (wala pa’ng overpass noon at plano pa lang ni Jun Labo iyan noong unang tumakbo siya bilang mayor) at lalakarin paakyat ng Session Road lagpas ng Patria de Baguio hanggang sa Baguio Cathedral. Dapat nasa entrada ka na ng isa sa mga pintuan ng Cathedral bago mag-6:30 AM para maaga maubos ang tinda mo.
Pero hindi rin madaling magtinda sa Cathedral noon dahil madalas nakikipag-patintero kami sa mga alagad kuno ng simbahan na. Naka-putting amerkana sila na may patse sa kaliwang dibdib. Napapalayas at nabubulyawan kami. Aalis kami. Iikot lang at muli na namang naka-display ang dyaryo namin sa hagdan. Alam ko naman ang kwento ng isang bible story na kung saan tinaboy ni Hesus ang mga tindero’t tindera sa simbahan pero binawi na lang namin ng sabay na pagdarasal. Pagdarasal na sana’y maaga maubos ang dyaryo namin.
Sa bawat pagtitinda sa Cathedral tuwing Linggo ay tiba-tiba na ako sa P1.50 na kita. Hindi pa doon natatapos ang trabaho. Magsisipagtakbuhan kami patungong Kisad upang ibili ang kita namin ng ilang pirasong Midland Couier. Matiyaga kaming nakikipila at muling ibili ang kinita namin noong araw na iyun. Mabenta ang Midland. Good as cash ika nga. At sigurado kang kikita ng doble porsyento ang nauna mong puhunan na hindi kailangang sumasali sa pyramiding scheme o networking.
Hindi ko maubos-maisip na pagkalipas pala ng halos tatlumpung taon ay magsusulat at guguhit pala ako sa Baguio Midland Courier.

Pasado tanghali na ako madalas umuwi. Bibili muna ako ng cinnamon sa palengke pasalubong sa mahal kong nanay. Pero habang naglalakad ako pauwi ay kinakain ko na unti-unti ang cinnamon ng mahal kong nanay.
May extra na akong pera para sa pag-aaral ko at siyempre may cinnamon pa ang mahal kong nanay.
Sayang at hindi ko naisulat eto sa Slum Book ng classmate ko.

Hindi ako naging businessman o negosyante dahil lamang nagbenta ako ng dyaryo. Talagang para sa mga instik lang ang negosyo na kung saan ay bawa’t sentimo ay mahalaga at hindi marahil basta-basta bumibili ng cinnamon mula sa kita para lang sa nanay nila. Pero siguro naman, mahal din nila nanay nila.

Sa pagtitinda ko ay natuto akong makipagsabayan sa buhay. Maaga ko natutunan ang tinatawag nilang ‘Survival of the Fittest’ at ‘Rat Race.’  Hindi pala tutoo na karera ng daga iyun.
Natuto ako’ng  makipag-box out sa pila ng diyaryo para lang mapaaga ang pagbebenta ko. Mabilis na ako magbigay ng sukli kahit tatlo-tatlo pa ang binili ni bosing at hindi na ako nasho-short sa remittance ko sa newstand.
May mga ilan-ilan ding malulungkot na yugto sa pagiging newsboy ko. Kasama na yata iyan sa teritoryo na kung saan kelangan mong makipag-umbagan para protektahan ang kita sa araw-araw. Kung minsan, hindi maiwasan na magawi ka sa mga lugar na hawak na pala ng mga mas astig pa na newsboys. Dangan kasi at nasutsot ako ng isang pasahero ng bus sa Pantranco sa Gov. Pack at ng matapos ko masuklian ang mama ay hayan na mga Pantranco boys na galit na galit sa pagtapak ko sa teritoryo nila. Mali talaga. Nagpapasalamat pa rin ako at hindi ako nabugbog. Buti na lang mukha pa rin akong sakristan at siguro, kahit paano, nakatulong ang pagdarasal ko sa Cathedral.
Nakigrupo ako sa mga ibang newsboys-tipong gang o fraternity na kung sakali may mang-away sa iyo ay may tatakbuhan ka na. Tambayan ko na ang Patria de Baguio sa bandang ibaba lang ng maliit na Steaks and Toppings restaurant ni Carlos Anton ngayon. Mayabang na ako ngayon at may back-up na ako sa Patria.
May mga araw na talo sa bentahan. Kaya bababa na ako ng Session Road at maglalatag sa hagdan ng Mercury Drug. Kung anung itsura ng hagdan ngayon, ganoon pa rin noong araw. Walang pinagbago. Pebble finish pa rin ang hagdan hanggang ngayun.
 Minsan, may dumaang mga newsboy na halos kasing-edad ko at nagsisipagtawanan dahil madami pa akong naiwang dyaryo. Ang yabang nila porke ubos na dyaryo nila. Hinamon ko sila ng ‘square.’ Kainis at iyung malaki pa ang tumanggap ng aking hamon. Hayun, nag-wrestling kami sa tanghaling tapat. Mabuti talaga at wala pa’ng TV Patrol noong araw dahil kung hindi, headline na naman ang Baguio dahil sa rambulan ng kabataan.
Awa ng diyos, hindi pa ako umuwi na may black-eye o putok na labi. Mahirap talagang tamaan ang maliit. Tama si Manny Pacquiao, mas madaling tamaan ng suntok ang malaki.

Buti na lang at wala akong nilagay na boxer o mixed martial artist sa Slum Book dahil hindi ko pinangarap na maging war freak.

Ang isa pang dahilan kaya hindi ako maaring maging businessman ay  ang madalas na hide-en-seek namin ng mga pulis. Kahit nakalatag sa bangketa o hagdan ng Mercury Drug ang dyaryo mo, dapat matuto ka’ng magbenta ng laging nakatayo at nakamasid sa kalsada. Huwag kang kukurap o didighay man lang dahil pag natsambahan ka ng pulis patrol na puting Tamaraw, huli lahat ng paninda mo at may libre na silang babasahin sa kubeta ng opisina nila.
Dapat may art din ang paglatag mo ng dyaryo sa bangketa. Maayos dapat ang pagkakasalansan na sa oras na parating na naman ang police mobile ay isang sungkab o daklot lang sa magkabilang dulo ng paninda na walang mahuhulog kahit isa sabay takbo sa Malcolm Square. “Di lumaon ay nagtatago na kami sa taas ng Mido Hotel sa bandang itaas ng Mercury Drug.
 Malakas talaga ako magdasal at siguro good shot talaga ako kay Lord dahil nga sakristan ako. Ni minsan ay hindi pa ako nahuli o maisakay ang mga dyaryo ko sa puting Tamaraw ng mga pulis. Ang mga minalas na mahuli ay pinaglilinis sa opisina bago ibalik ang kanilang mga dyaryo.

Ang mga newsboy ngayon, maiksi na lang sigaw sa kalsada. DYARYO! Iyun lang. DYARYO! Matapos mapatalsik si Makoy sa EDSA Revolution noong 1986 ay nagsulputan na ang maraming dyaryo sa ngalan ng press freedom.  Sinara ang Daily Express at ang Bulletin Today at Times Journal ay naging Manila Bulletin at Manila Times. Mayroon na kasing Philippine Daily Inquirer, Philippine Star, Manila Standard, Business World, Manila Chronicle, Business Mirror, Business World
Dagsa na rin ang mga tabloids na paboritong bilhin ng mga jeepney, taxi drivers at ng mga manyakis sa mundo. Maliban sa Tempo, People’s Journal, Balita, Taliba, at Pilipino Star,  nandiyan na rin ang Bulgar, Tiktik, at Toro na hindi mahuli-huli dahil lamang sa tinatawag na press freedom.
In fairness, walang masyadong kaso ng rape noong panahon ng Martial Law dahil bawal maglabas ng mga hubad  na litrato ng mga babae. Bawal ang mga tinatawag na graphic at violent pictures at video. Dahil sa dami ng malalaswang babasahin at sobrang press freedom, dumagsa ang mga kasong panggagahasa at masaker. Nauso na rin ang sexual harrasement, gang-rapes, child molestation at phedophilia.
Maswerte sila ngayon at dahil sa press freedom na iyan ay may sarili ng newstand ang karamihan sa mga kasamahan kong newsboy noong araw. Gawa sa kahoy at napinturahan ng berde bilang pagkaayon sa kulay ng Baguio kahit wala na masyadong Pine tree. Nakasandal ang mga newstands sa pader ng ilang establisimento sa mga pangunahing kalsada gaya ng Session, Bonifacio, Magsaysay, Harrison at Abanao. Hindi na rin hinahabol ng mga pulis ang mga newsboys at pinaglilinis ng opisina nila.

Gayun pa man, hindi ko naging ambisyun ang maging janitor ng mga pulis at hindi ko rin nilagay na maging businessman ako sa Slum Book ng classmate ko noong elementarya.


Pinoy Ca Na Dian Chapter 4

IKAAPAT NA TSAPTER
Mataas na Paaralan

            HINDI KO NAGING ambisyun ang maging Rico Baby o maging Michael Jackson ng paaralan namin pero nangyari pa rin.
At lalung hindi ko rin pinangarap na maging cultural dancer o maging sakristan o kampanero pero nangyari pa rin.
Gusto ko pa ring maging  kasapi ng US Navy. Gusto ko pa ring maging arkitekto.

Pero wala pala ako dapat  ikasuklam sa pagpasok ko sa pampublikong paaralan.
Ang lahat ng hindi ko natutunan sa pribadong paaralan noon ay natutunan ko sa pampublikong paaralan.
Hindi ko akalaing  may mga subjects pala na kelangan mo’ng magtatanim, mag-karpentero, maghalo ng semento, gumawa ng hollow blocks at magkumpuni ng transistor na AM radio. Hindi pa maaring mag-assemble noon ang ng mga casette player at recorder dahil wala pa’ang marunong nun kahit mga guro namin.
Bagong paaralan pa lang ang Mataas na Paaralan ng Pines City noon kaya mas madalas kami sa garden na nagtatanim ng Baguio beans, repolyo, carrots, camote at sayote habang kumakanta ng Bahay Kubo.
Nang lumaon, naghuhukay na kami sa likuran ng mga gusali at tinatambak sa may garden para dumami ang lupa sa harapan. Mainit madalas at sinasabit namin mga long-sleeve naming polong puti namin sa puno. Masakit sa kamay ang gumamit ng pala o piko. Mabigat din masyado sa akin ang karamatilya kaya’t lata ng malaking Nido ang lalagyan ko ng lupa. Sampung lata ng lupa at pwede na ma-check ang attendance mo. Pag di ka nagbuhat, absent ka.
Practical Arts ang subject naming iyan pero ang tawag namin dyan ay  Practikali.
Natutunan din namin ang maghalo ng semento at buhangin at gawing hollow blocks.Nakakatuwa pag iniluluwa na ng molde ang mga basa pang hollow block na siya naming ipapatuyo sa ilalim ng araw.  Pero masakit pa rin sa palad lalu na sa katulad ko’ng lapis at brush lang ang madalas gamitin.

May isa akong classmate na sobra akong humanga. Nakalimutan ko ang pangalan niya nguni’t ang apleyedio niya ay Sobrepena. Isang araw, sa kalagitnaan ng Practikali namin ay bigla niyang binalibag ang hawak niyang mga lata ng Nido at sumugod sa principal’s office.
Ang lahat ay napahinto at sinundan siya ng tingin mula sa quadrangle hanggang sa pag-akyat niya sa ikalawang palapag ng gusali. Nasa dulo ang opisina ng principal lagpas ng H.E room at faculty room. Wala pang isang minuto ay kumakaripas na siyang pabalik sa amin sabay damput ulit ng kanyang mga lata. Sa itaas ay nakamasid ang principal na nakapamewang pa. Hindi ko maaninag kung salubong ang kilay at nanlilisik ang kanyang mata dahil sa kapal ng kanyang mga salamin.
Ang lintek, nagreklamo pala siya sa principal dahil sa mga pinapagawa sa amin. Eto ang kwento niya:

Sobrepena: Ma’am, (Ilocano) Bakit naman kami naghuhukay, nagpapala at nagpipiko imbis na nasa loob kami ng classroom at nag-aaral. Hindi naman namin…
Principal: Heh! Bumalik ka nga sa baba!
Sobrepena: Takbo!

Wahahaha!
Astig! Bilib na bilib kami at kinaya niya ang gayon kahit alam naming walang magbabago. Siya lang yata ang nakagawa nun sa lahat ng naging estudyante ng Pines. Gaya ng elementarya ko, walang ring masumbungan na media. Wala pa ring Bombo Radyo o TV Patrol noon dahil Martial Law pa rin.
Hindi ko na alam kung nasaan na si Sobrepena. Pero palagay ko, mas lalo na siyang astig ngayon dahil marunong na siyang lumaban sa mga may kapangyarihan. Siguro nag-NPA na siya o nasa media na rin.
Pero siguro may dapat kaming ipagpasalamat sa principal dahil kung hindi, hindi ako marunong gumamit ng pala at piko, magkumpuni ng sirang dingding o bubong o maglagay man lang ng sabitan ng sandok at kawali sa kusina.
Nag-karpintero na rin kami at naging project namin ang pag-gawa ng silya at upuan. Wais ang paaralan, kami-kami rin ang gumawa ng upuan namin para sa classroom ng practikali este, practical arts . Kami rin ang naglagay ng pader sa paligid ng paaralan gamit ang mga hollow-blocks na ginawa namin. Mga estudyante na rin ang nag-semento ng pathway mula kalsada hanggang sa entrada ng paaralan. Sayang nga lang at walang welding dahil malamang kami na rin ang gagawa ng main gate at back gate malapit ng Baguio Central School.
Hirap at pawis ang nalagak namin sa eskwelahan namin na hindi namin namamalayan. Kahit paano, natuto kaming magbanat ng buto na walang bayad kundi ang gradong mataas. Wala kaming kinupit at inuwing mga materyales gaya ng kahoy, plywood, pako, graba, buhangin at semento. Dapat nag-Pines din ang mga pulitiko natin.

Sa natutunan namin sa electronics gaya ng pag-gamit sa soldering gun, pag-gawa ng IC circuits, speakers at iba’t ibang de-kulay na kawad na unti-unti ko’ng nabili ay may transistor radio na kami.
Nakakarinig na kami ng mga balita ni Baby De Guzman sa RPN 9 sa umaga at dramang Amorsola sa estasyon ng DZWX tuwing gabi pagkatapos naming maghapunan. Gustong-gusto ko rin ang Sarsarita ni Uncle Pete at isa pang nakakatakot na dramang pang-radyo na  intro pa lang ay gusto mo ng magtago sa ilalim ng kama.

Sayang nga lang at hindi ko eto nalagay sa Slum Book ng classmate ko sa elementarya.

Pinoy Ca Na Dian Chapter 3

Ikatlong Tsapter
Talentado

Ang napansin ko lang sa mga naipasa ko’ng mga subjects, matataas ang mga grado ko sa English, Filipino pati na rin ang Religion at Political Science subjects ko. Kasama na siyempre ang P.E at ROTC ko. Siguro nga, pwede talaga akong maging abugado. Masaya rin ang Religion subjects pero hindi ko pinagarap maging pari. Naging sakristan ako noong elementarya ako pero hanggang doon lang ako.
Siguro sa pagiging sakristan ko sa mga Belgian na pari ang naghasa rin sa aking ingles pati na rin ang sapilitang pagsasalita nito sa loob ng klase noong elementarya na may bantang penalty na singko bawat Tagalog o Ilokanong salita.
Oo naging sakristan ako. Paminsan-minsan ay naging kampanero na rin. Pero hindi naman ako kuba. Sobrang saya kasi ang maglambitin sa kable habang kumakalembang ang malaking kampana sa bandang itaas ko.
Sayang nga lamang at hindi ko maisulat ang ‘sakristan’ o ‘kampanero’ saan man sa Slum Book.

Kahit pa man sa elementarya, madalas ako’ng bagsak sa arithmetic. Pero kung ano’ng baba ng math ko siya namang taas naman ng Language o English subjects ko. Maaalala ko ring nalagay ko ang English na isa sa mga paborito ko’ng subjects sa Slum Book.
Laging perfect ang spelling quizzes ko at  vocabulary enrichment ko na kung saan isusulat mo ang ibig sabihin ng mga salitang babanggitin ng guro mo. Winner din ang quizzes sa acronyms gaya ng PMA, USSR, ASEAN, NATO, at OPEC. Sa MNLF lang ako sumablay. Imbis na Moro National Liberation Front any  Moro National Liberation FUND nalagay ko. Tsk.

Mataas din ang arts at music ko. Kasama ako lagi sa glee club at cultural shows ng paaralan at lalung sumikat dahil laging nasa entablado ang lolo. Lahat ng klaseng sayaw na Tagalog ay alam ko mula tinikling hanggang pandanggo sa ilaw. Nagamit ko na rin ang bao at kawayan sa pagsayaw. Muntik na ako nag-ayaw dahil madalas ako pingutin (siyempre sa tenga) ni Miss Fang tuwing practise namin. Palibhasa maliit at lagi ako’ng nasa harap kaya madalas ako lang napapansin ni Miss Fang. Siya na yata ang pinakamalapit na description ng isang nakasalaming Miss Tapia na terror at strikto at higit sa lahat, payatot na  old maid.
Mabuti na lang at wala si Miss Fang sa mga glee club practices namin. Marahil ay hindi siya marunong kumanta o sintunado na dahil laging galit sa mundo.Pero wala pa yatang pagkakataon  na ni minsan ay dinagdagan ko ng anuman ang dulo ng kanyang apilyedo. Siguro nga ay dahil respetado ang mga guro noong araw sa kabila ng nagliliparang eraser at chalk.

Pagsapit ko ng high school, dinala na ako sa paaralang pampubliko. Medyo may kalayuan pero hindi na namin eto pinansin dahil mas malayo pa nararating namin tuwing lakwatsa. Sa paglalakwatsa namin, naghuhuli kami ng ng mga ‘juju’ o Japanese eel sa mga kanal ng Guisad Valley o sumisisid sa mga munting lawa sa Bakakeng. Inaakyat namin mga puno ng blackberries sa Hamada subdivision at pinapasokang  mga dating lungga ng mga hapon sa Quezon Hill.

Sa paaralang pampubliko ko lalong nahasa ang  sarili ko. Gaya ng buhay ko elementarya, mataas din ang arts at music ko. Kasama ako sa glee club ng paaralan at lalung sumikat dahil laging nasa entablado ang lolo. Freshman pa lang ako ay bumibirit na ako ng mga kanta ni Rico Puno at Michael Jackson.
Bata pa sa Michael Jakson noon at kakahiwalay niya sa grupo nilang magkakapatid na Jackson Five. Effortless kung awitin ko ang kantang One Day in Your Life, Ben at mga kantang pamasko gaya ng Give Love on Christmas Day.
Ang awiting Ben ang nakakatuwa dahil kwento eto  tungkol sa isang daga na si Ben. Hindi yata alam lahat ng  tao na si Ben ay isang daga na tinakwil ng bayan dahil sa pag-aakalang salot ito.

Ben, most people would turn you away. I don’t listen to a word they say…they don’t see you as I do, I wish they would try to..I’m sure they’ll make it again, if they had a friend like Ben. Like Ben.

Pero siyempre noong nag-Thriller na siya at nagkaroon ng sariling Neverland, hindi ko na siya idol.
Si Rico Baby naman ang pinakasikat na local noon at pilit ko’ng ginagaya lahat pwera ang kanyang bigote at mala-walis na pantalon. Naligawan ako ng glee club adviser nang inawit ko ang The Way We Were Rico Puno version na may kasama pa’ng Tagalog intro tungkol sa magkasintahan.

Sa ika-apat na foundation dya ng Pines City High School ay naatasan ako’ng umawit. Siyempre game agad ako at sanay na ako sa kantahan noong elementarya pa ako.
Mas mataas pa ata ang poste ng mikropono ko ng ibigay na ng emcee sa akin ang parte ng pag-awit.
The next part of the program is a vocal solo from I-3…Rey Tamayo,”  sambit ng babaeng emcee sabay talilis sa entablado na akala mo babatuhin ng kamatis.
Malamya ang palakpakan epro hindi ko na ata napansin at wala akong kaba na tumayo sa harap ng mikropono na hugis ulo ng robot na bakal.
Tahimik ang lahat ng tao sa loob ng gym na nirenta ng eskwelahan para sa aming foundation day. Parang narinig ko pa nanay ko na nagbuntung-hininga at nagdarasal na sana’y huwag ako’ng pumiyok. Wala pa namang minus one noong araw. Wala ding nag-gitara o nag-piano para sa akin. Acapellang nag-iisa kung baga.

Halos hindi mahulugan ng karayom ang gym ng simulan ko ang intro ni Rico Puno. Promise, mas magaling pa ako mag-ingles kay Paqcuiao.

Hey, ‘know everybody’s talking about the good old days..the good old days? (Hiyawan na ang mga tao dahil alam nilang kay Rico J iyun.)
Well, let’s talk about the good old days (masigabong palakpakan. Hindi ko na rin pinansin na nangawit ako sa mikropono ko na sobrang taas at lagpas noo ko na).
Masarap isipin ang mga bagay na nagpapaligaya sa iyo noon ‘di ba? Katulad ng first love mo, naalala mo pa ba? (nagtatawanan na ang mga tao siguro dahil mukha namang wala ako’ng alam sa pag-ibig-pag-ibig na iyan)
Dire-diretso ko ng sinambit ang intro bago ko makalimutan at himatayin baka lalo ako’ng pagtawanan.
Madalas kayo’ng mamasyal, manood ng sine, kumain sa labas at kung anu-ano pa.
Kung minsan nga, kulang pa ang isang araw para magsama kayo. (Ayaw ko tignan ang nanay ko na kasama rin ng tatay ko sa bandang likuran at baka bigla ko makalimutan ang mga sususunod na linya.)
Madalas mo pa siyang halikan (tilian ang mga kilig na kilig na mga babae at hiyawan ang mga lalaki)…sa cheeks, sa eyes, sa nose, sa lips… (woooooohhh!)
May pahawak-hawak pa kayo ng kamay at tinititigan mo siya sa kanyang mata at sinasabi mo’ng I Love You! (lalung dumagundong sa hiyawan at palakpakan ang gym)
Pero bakit ganoon ang panahon?...kung sino pa iyung mahal na mahal mo, siya pa’ng mawala sa buhay mo. Siya pa na kasing-halaga ng buhay mo…(parang nawala ang tao sa sumunod na katahimikan sa gym. Mukha silang naka-relate lahat). Kanya’t dinig na dinig ko ang sarili ko ng  simulan ko ng awitin ang unang linya na unang pinasikat ni Barbara Streisand.
Can it be that it was oh so simple then
Or has time rewritten every line
And if we  had the chance to do it all again, tell me..could we? Would we?..
Memories…
Dito masaya ng nakikinig ang mga tao at sumasabay na sa mga sumunod na linya ng kanta.
…light the corners of my mind. Misty water-colored memories
Of the way we were.

At muli na namang nabuhay ang mga manunood ng awitin ko na ang sikat na…
Alaala, ng tayo’y mag-sweetheart pa.
Namamasyal pa sa Lunetaaah… ng walang peraaaah…

And I brought the house down.

Sigawan, palakpakan, tilian at tawanan. Halos hindi ko na marinig sarili ko sa mga huling linya ng awit.

So it’s the laughter.
We will remember…the way we were..
The way  we were. Bow!
Thank you!

Hindi ko na maalala kung may sumigaw ng More! More! Babalik! Babalik! Dahil kung mayroon man, mahirapan na ako’ng ulitin ang The Way  We Were ulit. Tsaka hindi ko alam kung ang ibig nilang sabihin ay “More! More Practise!” o “Babalik! Babalik sa upuan!”. Wala pa naman akong naihandang pang-encore.
Magmula noon, ang tawag na sa akin ay the litte Rico Puno of Pines.
Salamat kay Rico J, sumikat ulit ako na walang pumipingot sa tenga ko.  Kinuha na ako sa Glee Club at hindi na kami kumakanta sa gym lang. Kasama ko na rin ang John Denver ng Pines at Anne Murray ng Pines. May bago rin kaming kasama, ang Imelda Papin ng Pines na talaga namang lumuluha ng sobra pag kumakanta sa stage.
Sa mga sumunod na foundation day, nagagamit na namin ang auditorium ng isang kolehiyo sa siyudad. Sosyal na ang dating dahil may malaki ng kurtina na nagbubukas at nagsasara sa bawa’t pag-awit at pagsayaw namin. May sound system na rin na may speakers na kasinlaki ng batya ng nanay ko. Nauso na rin ang disco fever dahil kay John Travolta at dyan na rin nagtapos ang pagsasayaw ko dahil  pareho ng kaliwa ang paa ko pagdating sa disco dancing. Hanggang sweet music na lang ako dahil cheek-to-cheek dancing na lang iyun.
Sa elementary glee club, para lang kaming naglalaro habang kumakanta ng….try to remember the time of September when love was old and oh so mellow…kinanta yata namin iyun sa gitna ng Agosto. Pero sa high school, medyo sineryoso ko na eto.
Hindi nga lang ako umasenso sa pagkanta. Ni minsan hindi ako nanalo sa singing contest sa DZWX. Kahit pumipikit na ako habang kinakanta ang Kapalaran na big hit din ni Rico Baby. Sana Macho Gwapito na lang kinanta ko noon baka nag-third place man lang ako dahil medyo gwapito ata ako nun.
Wala talaga din ako’ng future sa pag-awit. Wala pa naman kasing You Tube noong araw at baka sakaling nakita na nila ang male version ni Charice Pempengco. Kahit sa school contest lang, hindi ako manalo-nalo. Buti pa sa spelling bee at current events quiz, nananalo ako. Sabi nga ng tatay ko, tuwing kumakanta ako sa kubeta habang naliligo, ikwento ko na lang daw. Sayang, sinunod ko sana ang tatay ko at baka ako pa ang pinakaunang rapper at pangalawa lang sina MC Hammer, Francis M at Andrew E.

Sana lang naisusulat ko rin eto noon sa Slum Book ng classmate ko sa elementarya.

Pinoy Ca Na Dian Chapter 2

IKALAWANG TSAPTER
Pagpapakilala

Madalas ding itanung ang mga nasa Slum Book sa unang araw ng klase maging elemntarya man, sekondarya o kolehiyo.
Pagkatapos ng nakakakabang written, heto naman ang makaubus-hiningang oral.
Maglilitanya ka ng mga pangarap mo sa buhay sa harap ng mga guro at kaklase mo. Malas mo kapag baluktot ka pa ring mag-ingles. Goodluck na rin sa iyo kung nataon na may magandang dilag sa klase mo at gusto mo pa sanang magpasikat.
Ewan ko ba kung bakit kelangan itanung pa nila sa kolehiyo kung anu’ng pangarap mo sa buhay. Siyempre, nasa architecture ako eh di siyempre gusto ko maging magaling na architect. Ganoon din naman siguro mga nag-nursing at nag-engineering-gusto nila maging nars at inhinyero.
 Kung sabagay, may mga nangarap maging accountant pero ang gusto ng mga magulang ay nursing kaya madalas, napipilitan lang. Gaya ko, gusto ng mahal kong tatay na maging abugado ako. Mayroon pa siyang drawing sa pad paper ko ng isang huwes na binigay sa akin upang magka-ideya daw ako kung ano ang abogasya. Nalaman ko lang, frustrated lawyer pala tatay ko. Nauna daw kasi lakwatsa niya sabi ng lola ko sa Abra. May kaya silang pamilya doon at halos lahat ng kapatid ng tatay ko ay nakatapos maliban sa kanya.

Tell me about yourself?
Laging naitatanong sa unang araw sa kolehiyo. Iyan ay kung may dumating talagang guro sa unang araw. Sabaay, kahit dumating man sa pangalawa o pangatlong araw ang instructor, mauuna’t-mauuna ang pagpapakilala sa klase.
Sa mga sigurista, mas maikli, mas mainam. No talk, no mistakes. Less talk, less mistakes. More talk, more mistakes. Kaya halos lahat ng pagpapakilala sa klase ay maiksi lamang. Pero hindi ako. Mas mahaba, mas sikat. Mas malalim, mas impressive. Mayabang ako eh.

My name is Reynaldo Jose C. Tamayo. My nickname isRey. I live at 88 Naguillian Roa, Baguio City. I am 16 years old and I want to be a great architect someday. My motto is Do unto others what you want others to do unto you. Thank you. Bow sabay upo na may ngiti sa mga labi ko.
Para ka na ring nasa beauty contest question and answer portion. At kelangan talaga para kang sumasagot ulit sa Slum Book pero hindi na siya pagsusulat kundi pagpapahayag sa pamagitan ng pagsalita. Kung mayroon mang naitulong ang pagsusulat sa Slum Book, iyan ay ang pagiging handa sa mga tanung gaya niyan.

Malalaman niyo rin ang halaga ng mga ito sumusunod na yugto.

MADALAS ako magkasakit dahil sa puyatan sa pag-gawa ng mga plano at drawings ng mga bahay. Mga disenyo ng mga bahay na hindi ko alam kung matitirhan ko pa o matapakan man lang ang loob nito. May isang pilosopo pa kaming kapitbahay noon na nagsasabing wala ng lupang tatayuan ang mga bahay na madidisenyo namin. Maling mali siya dahil pwede pa sa mga watershed at forested areas. Pwede pa nga sa Burnham Park o saan mang park sa Baguio huwag ka lang papahuli.
Mahilig na ako gumuhit. Madalas ako manalo sa painting poster-design contest. Ang pinakamalaking premyo na napalanunan ko noon ay P30 at isang tropeo na kasing-laki ng ruler ko sa eskwelahan.
Kanya’t noong high school, maging magaling na arkitekto ang naging ambisyon ko maliban sa US Navy. Fine Arts sana pero noong panahong iyun, wala pa sa UP College Baguio ang Fine Arts. Sa UP Dilliman pwede pa pero masyadong malayo at mas magastos.
Takot din ang nanay ko sa UP Dilliman dahil madalas hulihin ng mga sundalo ang mga aktibista ng UP noong panahon ng Martial law ang Pilipinas.
Lagi ka na ngang puyat, lagi ka pang bagsak sa mga drawings. Masaya na ako sa markang 75 sa bawa’t plate drawings na nagagawa ko. Dangan kasi, wala pa kasing Auto CAD noong araw. Nitong mga huling taon ko lang natutunan gumamit ng Auto CAD o Computer Aided Drafting. At 2D at 3D pa iyun na tinapos ko lamang ng humigit-kumulang na otsenta oras lamang. Mas madali para sa akin dahil may natutunan na ako sa architecture kahit paano.
Masungit ang mga college instructors namin. Uso pa iyung sigawan sa loob ng klase at batuhan ng eraser ng blackboard. Hindi pa naman ako nahahagip ng eraser. May bentahe din pala ang pagiging maliit kung minsan. Kung uso pa rin ang batuhan ng chalk o  eraser ngayon, malamang naging suki na ng Bombo Radyo o TV Patrol ang mga instructors na eto. Kasalanan ni Makoy iyan dahil takot pa kaming magsumbong sa media noon. Pero kung tutuusin, maganda rin siguro na may nakaambang eraser sa klase ng pangkasalukuyang panahon dahil mababawasan ang mga nagte-text tuwing klase at tunay na naka-focus sa lectures. Hindi sayang ang ibinabayad ng mga magulang sa matrikula na malamang nagsanla pa ng lupa o kaluluwa nila o inutang pa na 5-6 sa bumbay.
Hirap din ako sa math lalung-lalo na sa integral at differential calculus. Take two ako sa trigonometry at mabuti na lang at nakalusot ako sa algebra sa unang pagsubok kahit paano. Masyado na ring mahal ang mga gamit namin sa architecture. T-square, technical pens na Rotring o Staedler, technical pencil na may 0.5 na lead, sari-saring lapis na HB, F o H; 30-60 degree triangle at 90-45 degree triangle, templates na may iba’t ibang sukat ng mga letra,  bilog, oblong, parisukat at parihaba; at compass na may adapter para sa technical pen.
Sa papel pa lang, talo na agad sa gastos. Tracing paper  (dapat first class) para sa mga floor plans, illustration boards at watercolor paper para sa perspective drawings at scale models. Magastos talaga at sa kita lang ng mga magulang ko, kulang pa talaga. Nagtitinda na rin ang nanay ko ng sweepstakes noong araw pero sadyang hindi na kaya ang gastusin sa kurso ko.
Kaya nung na-tipus ako at na-confine sa hospital ng dalawang linggo. Huminto na ako sa pag-aaral ng architecture.
Kaya wala na rin iyung pangalawa kong ambisyon. Maging magaling na arkitekto. Nagmamagaling na lang nguni’t hindi naging arkitekto.
US Never. Frustrated architect.
            Nakakahiya ang naisulat ko sa Slum Book ng classmate ko sa elementarya.
           

Pinoy Ca Na Dian Chapter 1

(Eto ay ilan pa lamang sa mga yugto ng libro tungkol sa mga Pinoy na nagbabalak mag-migrate. Marami na muna kayong  dadaanang ka-dramahan bago mo malaman kung paano mag-abroad. Matapos siguro ang walang humpay na pagbalibag sa keyboard ay balak ko ipa-imprenta ito kung mayroon man akong mauto na publisher. )

PABALA: Kung gusto mo’ng makapag-abroad na hindi maloloko o maaliw lang kung paano nga ba makaramdam ng isnow, magkabahay na may heater at aircon, makamaneho ng second hand na F150, at makanood ng 52” LED TV habang kumakain ng Lays at Chops Ahoy, eto ay para sa iyo.
Huwag mo lang simulang basahin kung:
1)      Nasa internet shop ka lang at wala ka ng pera dahil mabibitin ka lang.
2)      May klase ka pa at isang absence pa o tardiness na lang, drop ka na sa masungit mong instructor pwera na lang kung cute ka.
3)      Nasa next class mo na ang sexy/gwapo  mong classmate
4)      Alam mong ako ang nagsulat at alam mo na ring walang kakwenta-kwenta ang mga sinusulat ko simula’t sapul.
5)      Alam mo’ng nauuto ka lang ng isang taong walang magawa sa laptop niya.

PERS TSAPTER
Slum Book

What is your ambition?
Uso pa noon ang Slum Book. Isang maliiit na hard-bound na notebook na kung saan may mga sari-saring katanungan tungkol sa iyo.

Kung mayaman ka, mas makapal at makulay ang Slum Book mo. Madalas pink at maraming bulaklak na dilaw at pula. Pero para sa aming mga batang kalye (street smart para masarap pakinggan) na swerteng nakapasok sa pribadong paaralan, okay na sa amin ang Golden Gate na notebook na 25 leaves. Eto iyung mga tira-tirang pahina ng mga kwadernong gamit namin noong nakaraang pasukan at eto ay aming tatahiin muli sa gilid. Resourcefullness yata tawag doon.  Kami kami na rin ang naglalagay ng mga katanungan at ibibigay namin sa mga classmates namin at sa mga babaeng ‘crush’ namin.

Maniwala ka, para ka’ng sumasagot sa bio-data na binili sa Cid Educational Supply sa Session Road. At huwag ka, kung minsan kelangan mo maglagay ng litrato. Kaya laking galit ng tatay ko ng makita ang pugot na ulo ng litrato ng  family picture namin sa dingding.
Sa pagsagot, dapat isipin mo’ng mabuti ang bawa’t sagot mo. Bawal ang red ballpen at lapis. Minsan, kelangan gumamit ng ruler para diretso ang pagsulat at hindi lumilipad  patungong langit ang mga letra sa Slum Book. Dapat nga talaga presentable. Magiging importante pala ang lahat ng eto sa pagnanais ko’ng makapag-ibayong dagat.
Pwede mo ring lapisan muna tsaka mo gamitan ng tinta ng ballpen at tsaka mo burahin sa kabilang dulo ng Mongol mo. Pag halos ubos na ang eraser sa Mongol, kinakagat namin sa may bandang metal para umusli ulit ang pambura. Kung gusto naming tumingkad ang kulay ng lapis, didilaan namin ang dulo at tuloy ang pag-i-iSlum Book.
Ilan sa mga katanungan ay ang mga sumusunod:

Name:
Address:
Telephone:
Birthplace: Birthdate:
Name of Mother:                     Profession:
Name of Father:                       Profession:
Brothers and Sisters:
School:
Motto:
What is Love?
Ambition: And why?

Paano ko ba sinagot ang mga eto?

Name: Rey Tamayo
Address: 88 Naguillian Road
Telephone:
Birthplace: Baguio       Birthdate: August 4, 1964
Name of Mother:         Flor Tamayo                Profession: Housewife
Name of Father:           Pepito Tamayo                         Profession: House painter
Brothers and Sisters: Lilibeth Tamayo; George Tamayo
School: Holy Family Academy
Motto: “Do not do unto others what you do not want others to do unto you.” (Naks!)

What is Love?  Love is a continuous drama in a circular arena.” (Ahem!)
Ambition: To be a US Navy  (Astig!)   Why? To become an American (Weh? ‘Di nga?)


Name: Rey Tamayo
Bakit ako naging Jogin Tamayo? Mahabang kwento iyan. Dapat nga Reynaldo Jose iyan pero dahil nga sa sobrang haba ay Rey Tamayo na lang. Mahilig pa naman magpasulat ang mga guro ng daan-daang pangalan mo bilang parusa sa pagiging malikot, maingay o kawalan ng natapos na assignments. Masyado ako lugi sa parusang eto lalo na kung iyung isang babae ang naparusahan ng pagsusulat ng pangalan ng isandaang beses. Siya si Fe Uy. Lugi talaga ako.
Kung minsan mas gusto ko na lang ang palo sa palad o puwet o kaya lumuhod sa sulok na may libro sa bumbunan ko. Kahit paano, sandali lang na pahirap iyun.

Address: 88 Naguillian Road
Tabi mismo eto ng isang punerarya. Playground namin ang bawat sulok ng punerarya. Lahat ng klase ng kabaong ay nataguan na namin. First class, second class at wa-class—lahat nataguan namin. Minsan, sabay-sabay kaming nagkasakit ng mga kalaro ko. Magmula noon binawalan na kami mag hide-en-seek sa mga imbakan ng kabaong. Hindi ko na ikwe-kwento kung ano itsura ng morgue at kung paano sila mag-embalsamo.

Telephone: Wala kaming telepono noong araw. Mga mayayaman lang yata ang mayroon nito. Rotary dial ang mga telepono noon na kulay berde o dumihing puti.Kelangan mo ipasok ang hintuturo mo sa butas na may numero at paiikutin. Malas mo pag busy ang linya at uulitin mo ang pagpasok ng hintuturo mo sa butas na may numero at paiikutin muli. Pero dahil nga kelangan impressive ang Slum Book mo, nilagay ko telephone number ng best friend kong si Jorge. Madalas ako sa bahay nila pagkatapos ng klase at tuwing Sabado. Kung minsan tuwing Linggo pag wala ang kanyang mga magulang. Sisilipin ko muna kung nasa garahe kotse nila at kung wala tsaka ako kakatok at makikipaglaro. Salisi kumbaga.
Hindi ko na maalala ang numero ng berdeng telepono nila. Ang alam ko lang apat na numero iyun. Ngayon pitong numero na ang gamit sa Baguio ngayon.

Birthplace: Baguio City
Ang alam ko talaga, sa Baguio ako pinanganak. Tsaka ko na lang nalaman na sa Iloilo pala ako pinanganak. Kaya pala Nono ang palayaw ko. Eto ang siyang madalas na tawag sa mga bata sa Bisaya. Nono. Noy. Nonong. Pwera na siguro ang Noynoy at Ninoy dahil mga taga-Tarlac na ang mga iyan. Taga Calinog nanay ko at taga Abra naman tatay ko. Hindi ko alam kung paano nagkita ang dalawa na halos magkabilang mundo ang pagitan nila.
Pinanganak akong Jogin at iyun ang nakasaad sa birth certificate ko. Sa pagdala sa akin sa Baguio, ayaw tanggapin ng paring puti  sa Baguio Cathedral ang Jogin sa araw ng binyag ko. Hindi daw pangalan ng kristiyano iyun. Por diyos, por santo naman. Madalas daw kinukuha sa kalendaryo ang mga pangalan ng mga bata. Hinanap ko kung sino ang santong nakalista sa ika-apat ng Agosto. Si San Juan. Marahil inayawan ng tatay at nanay ko dahil baka lumaki daw akong parang si Juan Tamad.
Kaya naging Reynaldo ako na may siningit pang Jose sa baptismal certificate ko. Alam kong iyung paring puti ang nagdagdag ng Jose dahil  asul ang tinta nito gayun din ang kanyang pirma sa ibabang bahagi ng baptismal certificate.
Kaya hayun, naging Rey ako. Tsaka ko na lang malalaman kung anung gulo ang sinapit ko dito sa pagsunod sa kagustuhan ng paring puti. Padre Damasong puti. Magiging kawawa ako sa mga NBI clearance at school records pagsapit ng panahong pag-aaply sa abroad.

Ang tanong na ‘propesyon ng magulang’ ang naaliw ako ngayon sa tuwing naalala ko ang mga sagot ng mga kaibigan ko. Karamihan sa kanila ay ‘businessman’ o ‘businesswoman’ ang nakasulat. Sa isip naming mga street smarts mga big-time talaga mga kaklase namin. Ngayon ko lang nalaman na ang mga nagtitinda sa bangketa at nikikipag-hide-en-seek sa mga pulis ay mga businessmen at businesswomen din nga naman.
Kung alam ko lang, sana nilagay ko ring businesswoman nanay ko dahil naglalako siya ng mga karne ng baboy at baka, gulay, prutas, isda, puto, kutsinta at maja blanca sa mga bahay-bahay noong maliit pa ako. Housewife ang tawag sa mga walang mag-hapong trabaho.
Pintor naman ang nilagay ko sa tatay ko. Malay ba nila na house painter pala iyun at hindi mga pintor gaya nina Amorsolo, Da Vinci, Michel Angelo, Donatello at Van Gogh.
May mga naging kaklase ako noon na mga pulitiko ang mga magulang. Hanggang ngayon, nasa pulitika pa rin ang pamilya mula lolo hanggang apo. Mayroon din mga anak ng may-ari ng mga hotel at restaurant (sila pa rin ang mga may-ari). Ayos din dahil pagdating naman ng kaarawan nila, may dala-dalang pansit at ice-cream ang mga yaya nila para sa amin sa classroom.Biruin mo iyun, maliit pa lang kami ay nangangampanya na sila? Oo, dahil sa paglaki ko binoto ko pa sila.
 Pero ang puto o kutsinta ng nanay ko ang mabenta sa mga kaklase kong mayayaman. Pinagpapalit nila ang kanilang mga higanteng egg sandwhich sa puto ko. Madalas by appointment pa iyan. Egg sandwhich ni Mark tuwing Lunes. Ham sandwhich ni James tuwing Martes, enso on ensofort. Sarap.

Ang tatlong  huling katanungan ang pinakamatindi dahil dapat very impressive ang nakasulat lalo na pag galing sa cute na classmate ang Slum Book. Privelege na rin kasi na ipasa sa iyo ang isang Slum Book kaya dapat pagbutihin mo ang pagsagot.
At mas lalung dapat ka ng maghanap ng pinakamahirap na ingles sa dictionary lalo na pag galing ang Slum Book  sa mga girls sa Section A na kung saan nandoon na yata lahat ng nilalang na noong nagsabog ata ang panginoon ng katalinuhan ay sinalo na nila lahat.
Ang madalas na motto na naisusulat noon (at palagay ko hanggang ngayon) ay ang walang kamatayang “Try and try until you succeed!” Kung minsan “Try and try until you success!” Malay ba namin ang kaibahan noon eh elementarya pa lang kami. Basta malalim at matalinhaga, big time ka na sa mga kaibigan mo.
Ang mga ilan pa sa mga gasgas na motto ngunit mga buhay pa rin ay:
“Honesty is the Best Policy”
“Health is Wealth”
“Silence is Golden”
“Time is Gold”
Etong huling motto ay nagiging paborito ng mga estudyante ngayon: “Time is Gold, Cheat Now!” Oo nga naman, sa mahal ng matrikula ngayon para ka’ng nakawala ng siyam na sakong bigas sa mga tulisan pag ikaw ay bumagsak sa isang subject lang. Pero siyempre hindi sang-ayon ang mga guro dito dahil para sa kanila, Honesty is still the Best Policy. Sana lang, isina-puso ng mga  pulitiko natin  ang huling kasabihan.

May mga pang-sutil din na sagot sa mga motto:
“Keep off the grass!” (motto ng mga kaminero sa Burnham Park)
“No retreat, no surrender!” (motto ng mga taga Team Lakay)
“No ID, No entry!” (motto ng mga sikyu sa paaralan)
“No return, no exchange!” (motto ng mga saleslady sa Tiong San noong araw)
“Til death to us part!” motto ng magsing-irog sa Pink Sisters Convent

At ang pinakamahaba na sigurong motto na natutunan ko ay ang Golden Rule.
“Do not do unto others what you do not want others to do unto you.”
Pwede ring “ Do unto others what you want others to do unto you.” Huwag lang maghalu-halo at magmumukha ka lang lalung bobo.
Pag diretso mong nasambit ang kasabihang iyan na hindi pumulupot ang dila mo, Best in English ka na. Siyempre, dahil exclusive na paaralan, puro inglesera at inglesero ang mga kaklase ko magastos na siguro kung lahat sila ay bibigyan ng ribbon na Best In English. Lugi pa kami dahil madalas kami magbayad ng singko tuwing magsasalita kami ng Tagalog o Ilocano. Hindi pa naman uso ang Tag-lish noon dahil wala pa’ng Kris Aquno noong araw. You know naman ‘di ba?
Mas bilib ako sa ingles ni Senator Noynoy noong panahon ni Marcos.
Ang motto ko: “Do not do unto others what you do not want others to do unto you.” Iyan ang pinaka-impressive ang dating kahit mahirap bigkasin kung minsan.

Ahh. What is Love? 
Madalas na tanungin hanggang ngayon. Pati mga pari, propesor, pilosopo at barbero, mahirapan itong sagutin. Pero sa Slum Book, nasasagot namin iyan kahit paano. Sagot na kami lang marahil ang nakakaintindi. Pero sa pagsagot sa Slum Book, dapat ding matalinhaga at hindi marurok ng kahit sinuman.
Iisa lang ang pagsagot ko noon sa tanong na What is Love?
“Love is a continuous drama in a circular arena.”
Tutoo iyan. Hindi ko na maalala kung kanino ko nakuha iyan o kung saang balot ng tinapa ko nabasa iyan.  Hindi ko rin siguro alam talaga ang ibig sabihin niyan noong nasa elementarya ako.  Basta ang alam ko, dapat ma-impress ang may –ari ng Slum Book at kung sino pa ang makakabasa nito.
Napaka-ironic din na makalipas ng mahigit tatlumpung taon ay sasabihin ko na sa mga naging estudyante ko sa Journalism na “Write to inform, not to impress.”
Kung tatanungin ako, ganoon pa rin malamang ang sagot ko sa tanong na “What is Love?”  Pero sigurado ako na alam ko na ang ibig sabihin ng “Love is a continuous drama in a circular arena.” Masyado nga talagang ma-drama. Masalimuot. Mahirap pa ring unawain. Magulo na masarap. Minsan langit, minsan impiyerno.Kung minsan masaya, madalas naman malungkot…
Pero siyempre, hindi ako nagsusulat nito ngayon para pag-usapan ang pag-ibig. Para kasing pulitika iyan. Laging pinag-uusapan ang  problema pero wala namang napag-uusapang solusyon.

Kaya heto iyung huli. What is your ambition? Why?
Gaya ng What is your Motto at What is Love, matindi din dapat ang pagsagot dito.
What is your ambition?  Sa elementarya, dapat daw may ambisyun ka na sa buhay. Pero ewan ko at bakit may tanung pa’ng WHY?  Para naman wala na akong karapatang magka-ambisyun at kung mayroon man, dapat pa ba’ng ipagtanggol?

What is your ambition?  Madalas na sagot ng mga kaklase ko noon—To be a Nurse someday.
Maswerte mga nag-nursing noon dahil marami talagang trabaho ang mga narses. Marami ding may mga nakapag abroad na at halos di na umuwi dahil naging American citizens na sila.
Why? To help the sick. Tutoo nga naman. Ganoon din ang sagot ng mga gustong maging duktor.
Pero pansinin mo, pati mga abugado—to help the poor din. Sadyang mas mabait mga tao noon dahil puro pagtulong ang nais gawin.
Sa panahon ngayon, itanong mo iyan sa mga gusto’ng maging nurse at isa lang marahil ang sagot. Upang makapag-abroad. Sa hirap ng buhay, hindi mo rin sila masisisi. Nguni’t sa dami ng gustong maka-ahon sa kahirapan, dumadami na ang mga gustong mag-aral ng nursing. Pati mga duktor at abogado, nagna-nursing na para lang makapag-abroad.
May mga pagsagot din sa Slum Book na nagpapangiti pa rin sa akin hanggang ngayon.

What is your ambition? I want to be an engineering!
What is your ambition? I want to be a medicine!

Nakakatuwa pag eto ang mga nakasulat dahil elementary ka pa lang at wala pa’ng kamuwang-muwang sa noun at pronoun, mga adjectives at tenses at mga kung anu-anong kaek-ekan sa subject-verb agreement.
Pero pag ganyan pa rin ang pagsagot sa high school, hindi na iyan nakakatuwa dahil nakakatawa na iyan.

Mayroon din mga sagot na tipong nang-aasar lang.
What is your ambition? To be a houseboy
What is your ambition? To become Superman
What is your ambition? To become a president

What is your ambition?  To be a U.S Navy. Iyan ang sagot ko.
Tsaka ko lang napansin na mali din pala iyan dahil imposible akong maging US Navy dahil nag-iisa ko lang.

Ako: Tiago! Sumuko ka na!
Tiago: Hindi ako susuko!
Ako: Napapaligiran na kita!
Tiago: Ha? (nalito)
Tiago: Hindi pa rin ako susuko!
Ako: Napapaligiran na nga kita!
Tiago: At paano mo naman ako napaligiran? Bwahaha!
Ako: Dahil marami ako!” Wehehehe!

O ‘di ba, parang ang dami-dami ko pag naging US Navy ako.

Why? To become an American. Nakatikim na ako ng dolyar at mga tinatawag na PX Goods. Tuwing kaarawan ko, may laging naka-ipit na kapirasong papel na may litrato ni George Washington sa unan ko. Bigay ng ninong ko’ng piloto. Hindi naman siya kano pero matindi ang colonial mentality ng mga Pinoy noong araw. Madalas may nilalako ang nanay ko na mga PX na sabon, lotion, pabango at mga tsokolate. At madalas din bawas na ang laman ng supot ng Kisses at M&M.

Noong panahong iyun, pwedeng mag-apply ang mga Pinoy sa US Navy dahil sa magandang relasyong militar ng Amerika at Pilipinas. Maayos ang Subic na daungan ng mga barko, ang Clark na paliparan ng mga US fighter jets at ang Camp John Hay na Rest and Recreation area ng mga nagbabakasyong mga sundalong kano.
Marami ako’ng mga kaibigan na maswerteng napunta sa US Navy. American citizens na sila doon at maayos ang buhay. Salamat sa Facebook at muli ko na naman silang nakita at nakakausap kahit paano. Karamihan sa kanila ay mga street smarts na kagaya ko at naging matagumpay ang kanilang pagiging kasapi sa US Navy. Wala ako’ng maalalang anak-mayaman na pumunta sa US Navy dahil nga mayaman na nga sila.
Pero sa kabila ng mga maraming kaibigan sa US, hindi pumasok sa kukote ko ang mangibang-bansa. Masarap lang talagang pakinggan ang US Navy o Architecture.
Pagkatapos ko ng high school, tutoo namang nag-apply ako sa US Navy. Pangarap ko iyan eh. Nasa pangalawang taon na ako sa kursong architecture  nang sinubukan ko’ng mag-apply  sa pamagitan ng liham. Wala pa kasing on-line application noon.
Nagpadala ako ng apat na 2x2 pictures na black and white at may pangalan, pirma  at address sa likod. Mahal pa naman pa-litrato noon sa Mt. Studio o La Suerte sa Session Road. Nakalakip sa puting sobre na may address na naibigay ng nanay ng isang kabigan kong pinalad na matanggap sa US Navy.
Sinawing-palad naman ako sa unang ambisyun ko. Hindi ako pinalad na matawag man lang sa Subic para sa interview. Kaya ang tawag ko sa sarili ko noon: US Never.

Nakakahiya sa naglaan ng ilang pahina ng kanyang Slum Book para sa akin at hindi naman pala matutupad ang nilagay ko’ng ambisyun. Para lang talaga akong nagyabang. At naging ambisyosyo.
Marami na lang ako narinig na kwento ng mga kabigan ko na kahit paano ay na-interview ng mga Kano. Pag kursunada ka, ituturo sa iyo ang isang pintuan. Pag hindi naman, may isang pintuan din para sa iyo. Pagpasok mo sa pinto na iyun, labas na pala ng gusali. Pwede ka ng umuwi. Bagsak ka sa interview ‘dre!
US Never.
Dyahe sa may-ari ng Slum Book