Saturday, 2 July 2011

Pinoy Ca Na Dian Chapter 6


IKA-ANIM NA TSAPTER
Newsman

MAHILIG NA TALAGA ako magbasa.
            Kung minsan, naiinis ako dahil sa pagbabantay lang sa mga parating na pulis ay hindi ako nakakapagbasa ng mabuti.
            Gusto ko kasing magbasa ng magbasa. Binabasa ko ang Bulletin, Times Journal at Daily Express bago eto mabenta. Siyempre nauuna ang comics section tapos front page at sports page.
            Idol ko ng matagal si Larry Alcala at ang kanyang Asyong Aksaya at Siopawman. Panalo din ang kanyang Slice of Life na nakalagay sa buong pahina ng  Mod Magazine. Matapos ka’ng maaliw sa nakakatawang cartoons ay pilit mo’ng hahanapin ang ulo ni Larry Alcala na nakatago sa mga drawings.
Sikat na rin kasi ang Crispa Redmanizers at Toyota Tamaraws noong araw.
            Kilala ko na sila Nur Misuari at ang kanyang MNLF, sina Enrile, Virata at Tatad. Si First Lady na siyang nagpatayo sa Maharlika Livelihood Center.
            Kilala ko na rin ang galaw at style nina Robert Jaworski, Francis Arnaiz at Ramon Fernandez ng Toyota laban sa mga Redmanizers na sina Bernie Fabiosa, Atoy Co, Abet Guidaben, Philip Cezar at Freddie Hubalde. Sila ang nagpasikat sa PBA ng itinatag eto noong 1975. Sila iyung madalas ipakulong ni Makoy sa Camp Crame dahil lagi silang nagrarambulan sa basketball court.
            Nandiyan na rin ang Mariwasa, U-Tex, Royal Tru-Orange, at 7-Up. 
Diyan na yata nagsimula ang pagkahumaling ng mga Pinoy sa larong basketball na inimbento ng mga Canadian.ngunit pinasikat naman ng mga Kano gaya nina Wilt Chamberlain, Jerry West, Dr. Julius Erving, at Kareem Abdul Jabbar. Da best ang Pilipinas noon sa basketball pagkatapos ng ikalawang digmaan sa pamumuno ni Caloy Loyzaga na kung saan nagtapos pa ito ng ikatlong pwesto sa World Basketball Championships. Ngayon, kulelat na tayo sa basketball at naging entertainment na lamang ito para sa mga Pinoy.
Favorite team ko ang Redmanizers ni coach Baby Dalupan na hindi marunong gumamit ng X at O sa drill board pero naunang nagkamit ng grandslam sa PBA. Eto iyung tatlong sunod-sunod na pagkapanalo ng kampeonato sa isang taon. Sumunod na lang ang San Miguel Beermen ni coach Norman Black at Alaska Milkmen ni coach Tim Cone.
            Napanood ko na ang mga laro ng Crispa sa TV ng kapit-bahay namin pero binabasa ko pa rin kinaumagahan habang naglalako ng dyaryo sa bangketa. Pag nanalo ang Crispa, uulit-ulitin ko pa ang pagbasa nito. Pag talo sila Atoy Co, ayaw ko na buksan ang sports page.
Dumating na rin ang mga sikat na Kanong basketbolista bilang PBA imports katulad nina Cyrus Mann, Cisco Oliver, Andy Fields at Bruce Sky King. Si Cisco Oliver iyung itim na player sa Alaska commercial na kung saan tinalo siya sa one-on-one ng maliit na batang puti na kamukha ng batang nasa label ng lata ng Alaska evaporada at condensada.

Cisco: “Galing mo meyn!”
Bata: “Alaska meyn!”
Cisco: “Masarap?”
Bata: “Yeah!”
(background music) Wala pa ring tatalo sa Alaska

            Sa gabi ng PBA games, nasa kapitbahay na ako na nakikipanood ng basketball.
Sisilip muna sa bintana at kung bukas ang TV nila, kakatok na sa pintuan at magpapaalam. “Pwede pong maki-nood?” sabay iwan ng tsinelas sa hagdan kahit wala pa’ng ‘oo’ ang may-ari, papasok sa salas at makikiupo katabi ng ibang mga bata na nauna ng pumasok. Kung late ka dahil pinaghugas ka pa ng pinggan ng nanay mo, tatayo ka sa sulok malapit sa pintuan dahil SRO (standing room only) na.
Huwag na huwag mo’ng magiging kaaway ang mga anak ng may-ari ng telebisyon dahil hindi ka na makakapasok sa bahay. Mamimiss mo sina Superman, Batman, Wonderwoman, Flash, Aquaman at Green Lantern sa Super Friends pati na rin sina Mighty Thor, Iron Man, Flintstones, Woody Woodpecker, Speedy Gonzales at Bugs Bunny sa Looney Tunes.

            Live via satellite na rin ang PBA games noon at RPN 9 lang ni Makoy ang mayroon nun. Black and white ang telebisyon ng kapitbahay namin. Medyo malaki din, 14” ata iyun at may kabinet pa siya na may nakapatong na plorera ng bulaklak, picture frame ng tatay at nanay nung bagong kasal at Christmas belen na gawa sa carton tuwing pasko.
            Sikat pa rin ang laban nina Muhammad Ali at George Foreman noong 1976   pero usap-usapan pa rin ang Thrilla in Manila pagkalipas pa ng ilang taon. Gaya ng PBA, pinapanood ko din ang mga laban ni Ali, Foreman, George Frazier, Ken Norton at Larry Holmes at gaya ng PBA, binabasa ko ulit sa dyaryong lako ko ang mga laban nila.

            Hindi ko rin akalaing magiging sportswriter ako pagkalipas ng labinlimang taon. Naging kolumnista pa at naging sports analyst pa kuno. Wala din yata eto sa Slum Book ng classmate ko sa elementarya.
           

No comments:

Post a Comment