Saturday, 2 July 2011

Pinoy Ca Na Dian Chapter 8

IKA-WALONG TSAPTER
Fast Forward

AT BIGLA NA LANG ako’ng nandito sa Canada.

Parang kelan lang, gusto ko’ng maging miyembro ng US Navy. Ngayon baka pwede pa ako maging Canadian Navy. Pero hindi nga ako marami  ‘di ba?

Pwede na rin ako’ng sumama sa Canadian Police Force, Community Watch volunteer o parking attendant na tipong men in black ng Jadewell sa Harrison noong araw. Sayang nga lang at hindi man lang ako natuto mangabayo sa Pacdal noon at baka sakaling maging isa rin ako sa kanila sa Canadian Royal Mounted Police. Idol ko kasi sina Lito Lapid at Fernando Poe Jr noon araw eh. Sarap! Hai ho Silver away!

Ako este me: Hey yow John Doe! Surrender na yow!
Suspect: Huh? No way Jose!
Me: Ha? How’d you know my second name ngay?
Me: basta!..I want you to surrender na John or you die! (sabay kasa ng Glock 9mm)
Suspect: No way man!
Me: Why John? Why you don’t like to surrender ngay? (pikon na)
Suspect: Because I’m not John you idiot!
Me: Ay sorry naman daw (sabay talikod)

Sarap talaga sana pero wala din eto sa Slum Book ng classmate ko noong elementarya.

Sa tutoo lang, ayaw ko mag-abroad. Wala ako’ng maalala sa Slum Book na gusto ko mag-abroad. Maging US Navy oo pero hindi mag-abroad. Ang alam ko sa US Navy noon nasa Subic lang sila, iinom sa Olongapo at uuwi din ng bahay.

Ayaw ko mag-abroad kasi takot ako sumakay sa eroplano. Oo, ayaw ko sumakay sa eroplano. Takot ako sa matataas na lugar o gusali. Madali ako’ng malula. Mataas na sa akin ang pag-angat ko sa sahig pag kumakalembang ako ng kampana sa simbahan. Dyusmeh, ni sumakay sa ferris wheel ay hindi ko nagawa at magawa dahil takot nga ako heights.

Pero bali-baliktarin mo man ang mundo kung nakasaad na sa kasulatan na ikaw ay sasakay ng eroplano, sasakay at sasasakay ka rin.

At dahil may pamilya na rin, napilitan ako’ng humanap ng mas maganda pa’ng kinabukasan para sa mag-ina ko. Kakatapos lang ng July 16 killer earthquake noon at pagsabog ng Mt. Pinatubo makalipas lang ng isang taon ay naisip ko ng mag-trabaho sa ibang bansa bilang Overseas Contract Worker (Overseas Filipino Worker  na tawag nila ngayon na halos pareho din lang naman).

Tuwing linggo ay bumibili ako ng Bulletin para maghanap ng vacancies para abroad. Wala pa’ng online application noon kaya dala-dala ang isang malaking mapa, pumupunta ako sa Maynila upang hanapin ang recruiting agency. Maswerte rin ako at hindi manloloko ang agency ko at sa halagang P12,000 na placement fee na inutang ko lang sa tatay ko ay pinalad naman ako’ng matanggap bilang artist sa Riyadh, Saudi Arabia.
Artist, hindi artista. Taga-disenyo ng product labels ng iba’t ibang produkto ng Saudi kabilang na ang fabric softeners, laundry detergents, honey products, tubig at bubble gum ni Osama Bin Laden.

At dahil nga sa makulit na lahi ng puting pari na nagbinyag sa akin, kawawa ako sa pag-ayos ng Reynaldo Jose at Jogin. Mabuti na lang at hindi ako nautusang magpakita sa korte at isang affidavit lang na may kalakip na pang-yosi, ayos na ang passport ko.

Nagbiyahe ako mula Baguio hanggang DFA Consulate sa San Fernando at wala pa’ng kalahating araw ay natanggap ko na ang passport ko na may nakalagay ng Reynaldo Jose A.K.A Jogin Tamayo. Hindi kagaya ngayon na halos isang buwan mo aantayin ang passport mo depende pa iyan sa presyo ng ibabayad mo. Mas mabibilis na pasaporte, mas mahal na bayad. Hay Pilipinas.

Isang araw bigla na lang tumawag ang agency ko at aalis na raw kami. Gulf Air. May 14, 1992. Handa na ang plane ticket at magkikita-kita na lang kami ng dalawa ko pang kasamahan na taga-Maynila sa NAIA. Bigla ako’ng natulala dahil sasakay na pala ako ng eroplano. At maiiwan ko na baby ko na dalawang taon pa lamang.

Dahil sa biglaang balita ng pag-alis ay natulala ako. Nag-isip. At nag-isip pa. Marami akong dapat itanung pero may isang tanung na sobrang nakakapakabag sa akin. At sa sarili ko na lang tinanung , “wala ba’ang barko papuntang Saudi?”

Mas marami daw nadidisgrasya sa kalsada kesa sa himpapawid. Mas ligtas pa raw at mas mabilis. Para ka lang daw naka-upo sa salas at kumakain at mas nakakasuka pa nga daw magbiyahe sa Kennon, Marcos Highway, Nagullian at Halsema Highway.

            At gaya ng nakasaad sa kasulatan, nakarating ako sa Saudi na eroplano ang sinakyan ko. Sarap pala ng feeling at masarap pala pagkain sa international flight.  At tutoo nga, parang hindi gumagalaw ang kinauupuan ko. Masarap panoorin ang mga ulap na para bagang mga bulak na gusto mo’ng talunin at akapin. Tsaka ko lang maalala na nasa 30,000 feet above sea level pala kami.
At diyan na nagsimula ang paroo’t parito ko sa eroplano. Nasubukan ko na ring mag-Japayuki ng isang linggo sa  Tokyo, makipag-sawadikap at makipag-kapunkap sa Bangkok at humirit pa ng isang Hongkong bago umalis ng Canada.

            At siyempre wala din ako’ng mintis sa domestic airlines na kung saan ninanam ko ang sarap ng Zesto tetra pack juice at Blu Skies na crackers na binigay ng mga hagard ng mga stewardess. Sarap! Kaya pala ang yaman nina Tan at Gokongwei.    

            Sana nilagay ko na lang na To Be a Jetsetter ang ambition ko sa Slum Book ng classmate ko noong elementarya.

No comments:

Post a Comment