Ikatlong Tsapter
Talentado
Ang napansin ko lang sa mga naipasa ko’ng mga subjects, matataas ang mga grado ko sa English, Filipino pati na rin ang Religion at Political Science subjects ko. Kasama na siyempre ang P.E at ROTC ko. Siguro nga, pwede talaga akong maging abugado. Masaya rin ang Religion subjects pero hindi ko pinagarap maging pari. Naging sakristan ako noong elementarya ako pero hanggang doon lang ako.
Siguro sa pagiging sakristan ko sa mga Belgian na pari ang naghasa rin sa aking ingles pati na rin ang sapilitang pagsasalita nito sa loob ng klase noong elementarya na may bantang penalty na singko bawat Tagalog o Ilokanong salita.
Oo naging sakristan ako. Paminsan-minsan ay naging kampanero na rin. Pero hindi naman ako kuba. Sobrang saya kasi ang maglambitin sa kable habang kumakalembang ang malaking kampana sa bandang itaas ko.
Sayang nga lamang at hindi ko maisulat ang ‘sakristan’ o ‘kampanero’ saan man sa Slum Book.
Kahit pa man sa elementarya, madalas ako’ng bagsak sa arithmetic. Pero kung ano’ng baba ng math ko siya namang taas naman ng Language o English subjects ko. Maaalala ko ring nalagay ko ang English na isa sa mga paborito ko’ng subjects sa Slum Book.
Laging perfect ang spelling quizzes ko at vocabulary enrichment ko na kung saan isusulat mo ang ibig sabihin ng mga salitang babanggitin ng guro mo. Winner din ang quizzes sa acronyms gaya ng PMA, USSR, ASEAN, NATO, at OPEC. Sa MNLF lang ako sumablay. Imbis na Moro National Liberation Front any Moro National Liberation FUND nalagay ko. Tsk.
Mataas din ang arts at music ko. Kasama ako lagi sa glee club at cultural shows ng paaralan at lalung sumikat dahil laging nasa entablado ang lolo. Lahat ng klaseng sayaw na Tagalog ay alam ko mula tinikling hanggang pandanggo sa ilaw. Nagamit ko na rin ang bao at kawayan sa pagsayaw. Muntik na ako nag-ayaw dahil madalas ako pingutin (siyempre sa tenga) ni Miss Fang tuwing practise namin. Palibhasa maliit at lagi ako’ng nasa harap kaya madalas ako lang napapansin ni Miss Fang. Siya na yata ang pinakamalapit na description ng isang nakasalaming Miss Tapia na terror at strikto at higit sa lahat, payatot na old maid.
Mabuti na lang at wala si Miss Fang sa mga glee club practices namin. Marahil ay hindi siya marunong kumanta o sintunado na dahil laging galit sa mundo.Pero wala pa yatang pagkakataon na ni minsan ay dinagdagan ko ng anuman ang dulo ng kanyang apilyedo. Siguro nga ay dahil respetado ang mga guro noong araw sa kabila ng nagliliparang eraser at chalk.
Pagsapit ko ng high school, dinala na ako sa paaralang pampubliko. Medyo may kalayuan pero hindi na namin eto pinansin dahil mas malayo pa nararating namin tuwing lakwatsa. Sa paglalakwatsa namin, naghuhuli kami ng ng mga ‘juju’ o Japanese eel sa mga kanal ng Guisad Valley o sumisisid sa mga munting lawa sa Bakakeng. Inaakyat namin mga puno ng blackberries sa Hamada subdivision at pinapasokang mga dating lungga ng mga hapon sa Quezon Hill.
Sa paaralang pampubliko ko lalong nahasa ang sarili ko. Gaya ng buhay ko elementarya, mataas din ang arts at music ko. Kasama ako sa glee club ng paaralan at lalung sumikat dahil laging nasa entablado ang lolo. Freshman pa lang ako ay bumibirit na ako ng mga kanta ni Rico Puno at Michael Jackson.
Bata pa sa Michael Jakson noon at kakahiwalay niya sa grupo nilang magkakapatid na Jackson Five. Effortless kung awitin ko ang kantang One Day in Your Life, Ben at mga kantang pamasko gaya ng Give Love on Christmas Day.
Ang awiting Ben ang nakakatuwa dahil kwento eto tungkol sa isang daga na si Ben. Hindi yata alam lahat ng tao na si Ben ay isang daga na tinakwil ng bayan dahil sa pag-aakalang salot ito.
Ben, most people would turn you away. I don’t listen to a word they say…they don’t see you as I do, I wish they would try to..I’m sure they’ll make it again, if they had a friend like Ben. Like Ben.
Pero siyempre noong nag-Thriller na siya at nagkaroon ng sariling Neverland, hindi ko na siya idol.
Si Rico Baby naman ang pinakasikat na local noon at pilit ko’ng ginagaya lahat pwera ang kanyang bigote at mala-walis na pantalon. Naligawan ako ng glee club adviser nang inawit ko ang The Way We Were Rico Puno version na may kasama pa’ng Tagalog intro tungkol sa magkasintahan.
Sa ika-apat na foundation dya ng Pines City High School ay naatasan ako’ng umawit. Siyempre game agad ako at sanay na ako sa kantahan noong elementarya pa ako.
Mas mataas pa ata ang poste ng mikropono ko ng ibigay na ng emcee sa akin ang parte ng pag-awit.
“The next part of the program is a vocal solo from I-3…Rey Tamayo,” sambit ng babaeng emcee sabay talilis sa entablado na akala mo babatuhin ng kamatis.
Malamya ang palakpakan epro hindi ko na ata napansin at wala akong kaba na tumayo sa harap ng mikropono na hugis ulo ng robot na bakal.
Tahimik ang lahat ng tao sa loob ng gym na nirenta ng eskwelahan para sa aming foundation day. Parang narinig ko pa nanay ko na nagbuntung-hininga at nagdarasal na sana’y huwag ako’ng pumiyok. Wala pa namang minus one noong araw. Wala ding nag-gitara o nag-piano para sa akin. Acapellang nag-iisa kung baga.
Halos hindi mahulugan ng karayom ang gym ng simulan ko ang intro ni Rico Puno. Promise, mas magaling pa ako mag-ingles kay Paqcuiao.
Hey, ‘know everybody’s talking about the good old days..the good old days? (Hiyawan na ang mga tao dahil alam nilang kay Rico J iyun.)
Well, let’s talk about the good old days (masigabong palakpakan. Hindi ko na rin pinansin na nangawit ako sa mikropono ko na sobrang taas at lagpas noo ko na).
Masarap isipin ang mga bagay na nagpapaligaya sa iyo noon ‘di ba? Katulad ng first love mo, naalala mo pa ba? (nagtatawanan na ang mga tao siguro dahil mukha namang wala ako’ng alam sa pag-ibig-pag-ibig na iyan)
Dire-diretso ko ng sinambit ang intro bago ko makalimutan at himatayin baka lalo ako’ng pagtawanan.
Madalas kayo’ng mamasyal, manood ng sine, kumain sa labas at kung anu-ano pa.
Kung minsan nga, kulang pa ang isang araw para magsama kayo. (Ayaw ko tignan ang nanay ko na kasama rin ng tatay ko sa bandang likuran at baka bigla ko makalimutan ang mga sususunod na linya.)
Madalas mo pa siyang halikan (tilian ang mga kilig na kilig na mga babae at hiyawan ang mga lalaki)…sa cheeks, sa eyes, sa nose, sa lips… (woooooohhh!)
May pahawak-hawak pa kayo ng kamay at tinititigan mo siya sa kanyang mata at sinasabi mo’ng I Love You! (lalung dumagundong sa hiyawan at palakpakan ang gym)
Pero bakit ganoon ang panahon?...kung sino pa iyung mahal na mahal mo, siya pa’ng mawala sa buhay mo. Siya pa na kasing-halaga ng buhay mo…(parang nawala ang tao sa sumunod na katahimikan sa gym. Mukha silang naka-relate lahat). Kanya’t dinig na dinig ko ang sarili ko ng simulan ko ng awitin ang unang linya na unang pinasikat ni Barbara Streisand.
Can it be that it was oh so simple then
Or has time rewritten every line
And if we had the chance to do it all again, tell me..could we? Would we?..
Memories…
Dito masaya ng nakikinig ang mga tao at sumasabay na sa mga sumunod na linya ng kanta.
…light the corners of my mind. Misty water-colored memories
Of the way we were.
At muli na namang nabuhay ang mga manunood ng awitin ko na ang sikat na…
Alaala, ng tayo’y mag-sweetheart pa.
Namamasyal pa sa Lunetaaah… ng walang peraaaah…
And I brought the house down.
Sigawan, palakpakan, tilian at tawanan. Halos hindi ko na marinig sarili ko sa mga huling linya ng awit.
So it’s the laughter.
We will remember…the way we were..
The way we were. Bow!
Thank you!
Hindi ko na maalala kung may sumigaw ng More! More! Babalik! Babalik! Dahil kung mayroon man, mahirapan na ako’ng ulitin ang The Way We Were ulit. Tsaka hindi ko alam kung ang ibig nilang sabihin ay “More! More Practise!” o “Babalik! Babalik sa upuan!”. Wala pa naman akong naihandang pang-encore.
Magmula noon, ang tawag na sa akin ay the litte Rico Puno of Pines.
Salamat kay Rico J, sumikat ulit ako na walang pumipingot sa tenga ko. Kinuha na ako sa Glee Club at hindi na kami kumakanta sa gym lang. Kasama ko na rin ang John Denver ng Pines at Anne Murray ng Pines. May bago rin kaming kasama, ang Imelda Papin ng Pines na talaga namang lumuluha ng sobra pag kumakanta sa stage.
Sa mga sumunod na foundation day, nagagamit na namin ang auditorium ng isang kolehiyo sa siyudad. Sosyal na ang dating dahil may malaki ng kurtina na nagbubukas at nagsasara sa bawa’t pag-awit at pagsayaw namin. May sound system na rin na may speakers na kasinlaki ng batya ng nanay ko. Nauso na rin ang disco fever dahil kay John Travolta at dyan na rin nagtapos ang pagsasayaw ko dahil pareho ng kaliwa ang paa ko pagdating sa disco dancing. Hanggang sweet music na lang ako dahil cheek-to-cheek dancing na lang iyun.
Sa elementary glee club, para lang kaming naglalaro habang kumakanta ng….try to remember the time of September when love was old and oh so mellow…kinanta yata namin iyun sa gitna ng Agosto. Pero sa high school, medyo sineryoso ko na eto.
Hindi nga lang ako umasenso sa pagkanta. Ni minsan hindi ako nanalo sa singing contest sa DZWX. Kahit pumipikit na ako habang kinakanta ang Kapalaran na big hit din ni Rico Baby. Sana Macho Gwapito na lang kinanta ko noon baka nag-third place man lang ako dahil medyo gwapito ata ako nun.
Wala talaga din ako’ng future sa pag-awit. Wala pa naman kasing You Tube noong araw at baka sakaling nakita na nila ang male version ni Charice Pempengco. Kahit sa school contest lang, hindi ako manalo-nalo. Buti pa sa spelling bee at current events quiz, nananalo ako. Sabi nga ng tatay ko, tuwing kumakanta ako sa kubeta habang naliligo, ikwento ko na lang daw. Sayang, sinunod ko sana ang tatay ko at baka ako pa ang pinakaunang rapper at pangalawa lang sina MC Hammer, Francis M at Andrew E.
Sana lang naisusulat ko rin eto noon sa Slum Book ng classmate ko sa elementarya.
No comments:
Post a Comment