Wednesday, 6 July 2011

Promdi Ca Na Dian

Ni minsan hindi ako sumakay ng bus sa Maynila. Laging jeepney o LRT. Kung kayang lakarin, nilalakad ko pero siguradong tumatagaktak na ang pawis mo at libag pagdating mo sa parooroonan mo.
Sa pag-aantay ko ng bus dito, kelangan ko lang hanapin ang numero ng rotang sasakyan ko. Bawa’t bus ay may electronic billboard na pinapakita kung saan eto dadaan. Wala eto’ng nakadikit sa salamin na Portage Ibabaw o Portage Ilalim o kaya’y Main Street diretso o Main Street liko. Kung minsan sa sobrang plakang nakalagay sa harap ng driver ay hindi na niya halos makita ang kalsada at pinapara na pala ng taga-MMDA na hindi pa nag-a-almusal.
Hindi gaya sa Pinas na pwede ka sumakay kahit saan, kahit gitna pa ng highway, dito kelangan mo’ng mag-abang sa tamang bus stop. Hanep, may electronic billboard din na kumukutitap gaya ng Hapee toothpaste ni Aiza Seguerra noong araw. Lahat ng oras ng pagdaan ng mga bus ay naka-display sa electronic billboard. Sosyal. Kahit paulit-ulit, pilit ko pa ring pinapanood.
Sobrang amaze ako dahil hanggang ngayon, hindi pa rin nananakaw ang kumukutitap na electronic billboard ng bus stop.
Ngayon alam ko na ang pakiramdam ng isang promdi.
*  *  *  *  *  *  *  *           
                15  Mountain via Main Street      09.35 AM
                71 Garden City via McPhilips       09.50 AM
                33 Maples to via Jefferson           10.05 AM
                33 Maples Express                           DUE
Hayun, 10 minutes pa pala aantayin ko. Naupo muna ako sa loob ng waiting shed na napapaligiran ng salamin, siyempre see-thru para makita mo ang parating na bus. Pananggalang eto sa ulan o malakas na hangin o kaya’y tuwing winter. Hindi mo pwedeng gawing taguan at lalung hindi pwedeng ihian. At lalung hindi pwedeng gawing bentahan ng mani, chichacorn, juiy fruit, Halls at bebol gum. Hindi kagaya ng isang barangay kapitan sa Baguio na inari na ang barangay hall at ginawang sari-sari store niya. Hayyy…
Bawal manigarilyo sa loob neto at lalung bawal dumura. Wala namang nakabantay na pulis o police cadet man lang pero lahat tumupad sa ‘batas na walang kasulatan’ (unwritten law iyun).

                Do you have a red light district around here, I mean, you know…
                Oh, Filipino?
                Oh yeah. (Magkakamukha kasi mga Pinoy, Thai, Indonesian, at minsan mga instik dito eh)
                Well, we do have some around here. I know you have lots of it back home, ey?
                Ala ey, oh of course. Everywhere is redlight district! Everywhere you go is red. Everywhere you see is red.
                How come?
                No, I came!
                Sorry?
                I mean, we have a lot of people painting the town red.
                 Oh…happy people, ey?
                Oh yes! They spit momma everywhere. They spit red on the walls, on the posts, on flower boxes, on the sidewalks, by the overpass over the cars down the streets, even police outposts. We are so red the Americans almost declared us communists.
                What’s momma?
                It’s a betel nut (you idiot, what planet did you come from anyway?) wrapped in leaves and gives you a ‘high’ of sort.
                Oh. Are they allowed to do that? I mean spit anywhere?..everywhere?...
                Of course. Haven’t you heard of the Freedom of Spit? (You’re not from this planet, are you?)
*  *  *  *  *  *  *  *
                 15  Mountain via Main Street      5 Mins
                 71 Garden City via McPhilips       15 Mins
                 33 Maples to via Jefferson           10.05 AM
                 33 Maples Express                           10.25 AM

Five minutes pa. Amaze pa rin ako sa electronic billboard na eto. Magkano kaya pag binenta eto sa junk shop?
Mababait naman ang mga Pinoy dito. Ma-disiplina at matulungin. Hindi tumatawid sa kalsada kung hindi pa umiilaw ng puti ang munting tao sa ibabaw ng pulang ilaw na nakakahon. Takot din ako tumawid ng basta-basta kaya pindot dito at pindot doon ginagawa ko sa isang poste para umilaw ang puting tao sa kahon sa kabilang kalye.
Wala namang pulis. Wala din namang overpass o kaya’y karatulang nagsasaad ng “NO Jaywalking.” Pero sadyang mabait ang mga Pinoy pag nasa ibang bansa. Hindi ko maintindihan kung bakit hindi natin magawa sa sariling bansang sinilangan natin. Ang pagtawid sa Pilipinas ay parang pag-big. Susugurin at hahamakin ang lahat pati kamatayan makatawid lang ng kalsada.
Manood ka na lang sa kalsada sa harap ng palengke at Tiong San at makikita mo kung gaano umakyat sa center island ang mga taga-Baguio, may partida pa iyan at bitbit pa ang mga pinamalengke.
At habang binabasa mo eto, sigurado akong napapangiti ka dahil minsan sa buhay mo ay ginawa mo na eto.
Ewan ko ba kung anu mayroon ang Pinoy at tatawid at tatawid kahit sa bawal na tawiran. At pag nabundol o nasagasaan, kasalanan pa ng kawawang driver. Serious injuries due to reckless imprudence. Kung kasalanan naman ng tumawid sa maling tawiran, pwede ba siya makasuhan ng serious damage to property due to reckless jaywalking?
Madalas kahit puti na iyung taong nasa kahon na sumesenyas na pwede ka ng tumawid ay takot pa rin akong tumawid lalo na pag may parating na sasakyan. Humihinto ako at inaantay ko’ng dumaan tapos hihinto rin pala ang sasakyan at di aalis hangga’t di ka tumatawid. Astig. Hehe. Sa isip siguro ng mga puti, “…engot naman mga eto, humihinto sa pedestrian lane.” Sa isip ko naman “…kasalanan ko ba kung nasanay ako sa Pinas na lagi na lang muntik ako sagasaan kahit nasa pedestrian lane ako?”
Sadyang pinakamasayang tao ang mga Pinoy. Mga pinoy lang ang kumakaripas ng takbo sa pedestrian lane habang nagtatawanan at nagtitilian. Kunsabagay, napapangiti din namin ang mga puti dahil sa aming pagkaripas ng takbo sa pedestrian lane habang nagtatawanan at nagtitilian.
Madalas mabulyawan ako ng mga drivers sa Baguio dahil pakiramdam nila sila lang ang mga anak ng diyos na pwedeng gumamit ng kalsada.  Pag gumamit ka naman ng sidewalk, nakaparada ang mga sasakyan o kaya’y may naglalako ng wagwag. Malas lang nila pag natiyempo na humarang sa harap ko ang isang sasakyan at nasa pedestrian lane ako at siguradong may nasisipa akong taxi o kotse—sabay lakad ng mabilis na walang lingun-lingon at baka makilala ako na isa sa mga nagsusulat sa Midland Courier. Kung may nanghampas ng payong sa hood ng taxing Crosswind sa may Session harap ng McDo noon, hindi ako iyun.
Hahaha! Mygahd! Onli inda Pilipins ey! O hayan, may Canadian accent na ako.
*  *  *  *  *  *  *
        15  Mountain via Main Street      DUE
        71 Garden City via McPhilips       10 Mins
        33 Maples to via Jefferson          10.05 AM
        33 Maples Express                       10.25 AM
Due na daw ng bus. Weh! 'di nga?
Tumayo ako at lumabas ng waiting shed ng bus stop at mga ilang metro ay parating na nga ang bus. Woooaahh..Unbelievable! Hanep! Astig talaga! How did they do that? As in sukat na sukat nila ang oras ng biyahe nila? Wala ba’ng factors gaya ng traffic, naubusan ng gasolina, na-flat ng gulong, may nagtext sa driver, naiihi na siya,  at pagsakay at pagbaba ng mga pasahero sa mga bus stops? May GPS ba sila at alam ang oras ng pagdating ng bus? At bakit hindi nananakaw ang electronic billboard nila at walang nagbebenta ng mani sa bus stop?
Idol talaga! Bow talaga ako, promise!
O Canada, O Canada..I am not worth to be your immigrant!
*  *  *  *  *  *  *  *
Nakapila ang mga tao. Walang singitan Puti man o itim, nakakurbata man o naka-tsinelas, pandak o higante, bungal man o may pustiso.
Nakaka-aliw pansinin na kusang bumababa ang hagdan ng bus na may kasamang pang tut-tut-toot na tunog para madaling makapasok ang mga matatanda, matataba at handicaps. Mayroon din siyang tut-tut-toot habang lumalabas ang isang bakal na rampa para sa mga naka-wheelchair.
Huwag lang bababa ang hagdan at tumunog ng tut-tut-toot kapag ako lang ang sasasakay at baka mapitik ko tenga ng driver.
                Hi there. How are you this morning? (feeling talaga ng driver, kilala na ako mula pagka-sanggol)
                Hello. Am good. Uhmm..one ticket please.
                Oh you mean transfer? (sabay punit ng kapirasong papel)
                Oh sorry, transfer ticket please.
                No, no. You call it transfer (makulit talaga lahi ng Pinoy)
                Oh I see. Sori naman daw hehe. One transfer please.
                You’re already holding it.

Kahit sa pagsakay sa mga bus, may mga batas na walang kasulatan.
Kung may sumakay na matanda, kusa ka dapat tumayo at ipaubaya sa kanya ang iyung upuan. Kung feeling mo, mas matanda naman iyung pumasok at feeling mo hindi ka pa naman nagme-menopause, tumayo ka na rin at bibilib pa sila sa iyo.  Ganoon din sa mga inang may dala-dalang mga sanggol sa kanila cart dahil bawal nga nagbubuhat lang ng bata. Kung may uupo o tatayo sa tabi mo, huwag mo lang i-iwas ang mga binti mo para makadaan siya. Kelangan tumayo ka talaga.
Pahinto-hinto. Paliku-liko. Malinis ang kalsada at wala pa rin ako’ng nakikitang pulis sa paligid. Lagpas pa ng city hall at ilang bangko, ilang ballparks at maya-maya mga hilerang kabahayan na. Hindi na rin nakakainip ang biyahe dahil sa ganda ng paligid at hindi ka mag-aalala na may dumudukot na pala sa wallet o cellphone mo.
Napadaan na rin kami ng airport at naalala ko tuloy iyung una naming pagdating dito sa Winnipeg mula sa Pilipinas. Mahigit isang oras bago ako nakarating ng bahay at nasita tuloy ako sa tagal ko’ng umuwi.

Sabi ko nag-turista muna ako. Hindi ko lang masabi na maling bus ang nasakyan ko.

No comments:

Post a Comment