IKAAPAT NA TSAPTER
Mataas na Paaralan
HINDI KO NAGING ambisyun ang maging Rico Baby o maging Michael Jackson ng paaralan namin pero nangyari pa rin.
At lalung hindi ko rin pinangarap na maging cultural dancer o maging sakristan o kampanero pero nangyari pa rin.
Gusto ko pa ring maging kasapi ng US Navy. Gusto ko pa ring maging arkitekto.
Pero wala pala ako dapat ikasuklam sa pagpasok ko sa pampublikong paaralan.
Ang lahat ng hindi ko natutunan sa pribadong paaralan noon ay natutunan ko sa pampublikong paaralan.
Hindi ko akalaing may mga subjects pala na kelangan mo’ng magtatanim, mag-karpentero, maghalo ng semento, gumawa ng hollow blocks at magkumpuni ng transistor na AM radio. Hindi pa maaring mag-assemble noon ang ng mga casette player at recorder dahil wala pa’ang marunong nun kahit mga guro namin.
Bagong paaralan pa lang ang Mataas na Paaralan ng Pines City noon kaya mas madalas kami sa garden na nagtatanim ng Baguio beans, repolyo, carrots, camote at sayote habang kumakanta ng Bahay Kubo.
Nang lumaon, naghuhukay na kami sa likuran ng mga gusali at tinatambak sa may garden para dumami ang lupa sa harapan. Mainit madalas at sinasabit namin mga long-sleeve naming polong puti namin sa puno. Masakit sa kamay ang gumamit ng pala o piko. Mabigat din masyado sa akin ang karamatilya kaya’t lata ng malaking Nido ang lalagyan ko ng lupa. Sampung lata ng lupa at pwede na ma-check ang attendance mo. Pag di ka nagbuhat, absent ka.
Practical Arts ang subject naming iyan pero ang tawag namin dyan ay Practikali.
Natutunan din namin ang maghalo ng semento at buhangin at gawing hollow blocks.Nakakatuwa pag iniluluwa na ng molde ang mga basa pang hollow block na siya naming ipapatuyo sa ilalim ng araw. Pero masakit pa rin sa palad lalu na sa katulad ko’ng lapis at brush lang ang madalas gamitin.
May isa akong classmate na sobra akong humanga. Nakalimutan ko ang pangalan niya nguni’t ang apleyedio niya ay Sobrepena. Isang araw, sa kalagitnaan ng Practikali namin ay bigla niyang binalibag ang hawak niyang mga lata ng Nido at sumugod sa principal’s office.
Ang lahat ay napahinto at sinundan siya ng tingin mula sa quadrangle hanggang sa pag-akyat niya sa ikalawang palapag ng gusali. Nasa dulo ang opisina ng principal lagpas ng H.E room at faculty room. Wala pang isang minuto ay kumakaripas na siyang pabalik sa amin sabay damput ulit ng kanyang mga lata. Sa itaas ay nakamasid ang principal na nakapamewang pa. Hindi ko maaninag kung salubong ang kilay at nanlilisik ang kanyang mata dahil sa kapal ng kanyang mga salamin.
Ang lintek, nagreklamo pala siya sa principal dahil sa mga pinapagawa sa amin. Eto ang kwento niya:
Sobrepena: Ma’am, (Ilocano) Bakit naman kami naghuhukay, nagpapala at nagpipiko imbis na nasa loob kami ng classroom at nag-aaral. Hindi naman namin…
Principal: Heh! Bumalik ka nga sa baba!
Sobrepena: Takbo!
Wahahaha!
Astig! Bilib na bilib kami at kinaya niya ang gayon kahit alam naming walang magbabago. Siya lang yata ang nakagawa nun sa lahat ng naging estudyante ng Pines. Gaya ng elementarya ko, walang ring masumbungan na media. Wala pa ring Bombo Radyo o TV Patrol noon dahil Martial Law pa rin.
Hindi ko na alam kung nasaan na si Sobrepena. Pero palagay ko, mas lalo na siyang astig ngayon dahil marunong na siyang lumaban sa mga may kapangyarihan. Siguro nag-NPA na siya o nasa media na rin.
Pero siguro may dapat kaming ipagpasalamat sa principal dahil kung hindi, hindi ako marunong gumamit ng pala at piko, magkumpuni ng sirang dingding o bubong o maglagay man lang ng sabitan ng sandok at kawali sa kusina.
Nag-karpintero na rin kami at naging project namin ang pag-gawa ng silya at upuan. Wais ang paaralan, kami-kami rin ang gumawa ng upuan namin para sa classroom ng practikali este, practical arts . Kami rin ang naglagay ng pader sa paligid ng paaralan gamit ang mga hollow-blocks na ginawa namin. Mga estudyante na rin ang nag-semento ng pathway mula kalsada hanggang sa entrada ng paaralan. Sayang nga lang at walang welding dahil malamang kami na rin ang gagawa ng main gate at back gate malapit ng Baguio Central School.
Hirap at pawis ang nalagak namin sa eskwelahan namin na hindi namin namamalayan. Kahit paano, natuto kaming magbanat ng buto na walang bayad kundi ang gradong mataas. Wala kaming kinupit at inuwing mga materyales gaya ng kahoy, plywood, pako, graba, buhangin at semento. Dapat nag-Pines din ang mga pulitiko natin.
Sa natutunan namin sa electronics gaya ng pag-gamit sa soldering gun, pag-gawa ng IC circuits, speakers at iba’t ibang de-kulay na kawad na unti-unti ko’ng nabili ay may transistor radio na kami.
Nakakarinig na kami ng mga balita ni Baby De Guzman sa RPN 9 sa umaga at dramang Amorsola sa estasyon ng DZWX tuwing gabi pagkatapos naming maghapunan. Gustong-gusto ko rin ang Sarsarita ni Uncle Pete at isa pang nakakatakot na dramang pang-radyo na intro pa lang ay gusto mo ng magtago sa ilalim ng kama.
Sayang nga lang at hindi ko eto nalagay sa Slum Book ng classmate ko sa elementarya.
No comments:
Post a Comment