IKALIMANG TSAPTER
Newsboy
SA HIGH SCHOOL ko unang natikman ang umepal sa dyaryo bilang tindera at manunulat.
Konti pa lang ang tao sa paaralan ko noon. Halos kilala ko lahat ng estudyante at guro. Ganoon din sila sa akin lalo na’t Rico Puno ako ng Pines.
Kalahating araw lang ang pasukan kaya doon ko naisipang magtinda na lang ng diyaryo sa umaga. Newsboy sa umaga, estudyante sa hapon. Sayang din ang kita at mayroon pa akong baon araw araw.
Hindi naman ako pinigilan ng mga magulang ko dahil madalas nasa gala din lang naman daw ako. Certified Batang kalye na talaga ako.
Gigising ng mga alas-singko ng umaga at walang hila-hilamos, naglalakad na ako mula bahay sa Naguillian road tabi ng punerarya lagpas pa sa isa pang punerarya tapos City Hall at fire station patungong looban ng palengke na kung saan naroroon ang mga malalaking distributors ng dyaryo. Tatlo lang sila noon-sina Daludado, Alcantara at Nonog.
Halos madilim pa pagdating ng mga trak ng dyaryo galing ng Maynila. Mula sa kalsada sa tapat ng Malcolm Square ( na kung saan may overpass na at Peoples’ Park na ang tawag ngayon) binubuhat na namin papasok ang mga bundles ng dyaryo. Ang isang bundle ay isang balot ng nakataling sinkwentang dyaryo. Siguro nga dahil sa kabubuhat ng dyaryo ay hindi na ako lumaki. Hindi pa naman uso ang Cherifer noong araw at ang mga hugis hayop na mga multi-vitamins ay para sa mga mayayaman lang na classmates ko.
Kaming mga small-time ang taga-buhat pero iyung mga matatanda ang nauunang nabibigyan ng dyaryo. Sila iyung mga beterano at tumanda na sa paglalako. Maniwala ka, iyung iba ay nakikita ko pa sa Session Road at palengke na nagtitinda pa rin ng dyaryo.
Mataas na ang sikat ng araw tsaka lang kami nabibigyan ng dyaryo. Pag tinanghali ka, wala na masyadong bumibili sa palengke kaya nilalakad ko ang mga bahay-bahay sa amin na naging suki ko na rin ako.
Tatlo lang ang malalaking dyaryo o broadsheets noong araw. Bulletin Today, Times Journal at Daily Express—lahat ay kontrolado ni Makoy.
Hindi mahirap magsisisigaw sa kalsada habang bitibit ang dyaryo na may sapin o ap-ap na Manila paper na makapal. Ilan lang ang binibigay sa aming dyaryo noon. Limang Bulletin, tatlong Times at tatlong Express.
Kaya ang sigaw lang noon sa kalsada ay BUH-LLEEETIN, JOURNAL EX-PRESSSS!!! Dapat dire-diretso ang bigkas, huwag hihinga at malakas ang pagsigaw at presto may susutsot na sa iyo. Siguraduhin mo lang na walang aso sa likod mo at baka hindi ikaw ang tinatawag.
Mayroon ding tabloids o mas maliliit na dyaryo gaya ng Balita, People’s Journal at Tempo. Medyo bago pa lang ang Tempo noong araw kaya madalas babaeng nakapanty lagi ang nasa centerpage.
Sitenta sentimos ang isang dyaryo at may kita akong diyes sentimos bawa’t isa. Pwede ko’ng patungan hanggang kinse sentimos ang bawat isa kung dinadala ko sa mga bahay-bahay ng mga suki ko.
Tuwing Linggo ang da best magtinda. Kung pwede nga lang sana madagdagan ang dyaryo pero talagang hanggang limang Bulletin, tatlong Times at tatlong Express lang ako. Pabigat pa naman ang Women’s Woman’s at MOD magazines.
Hindi ko kayang bitbitin ang lahat ng dyaryo kaya madalas sa bumbunan ko nilalagay ang mga dyaryo at magazines ko. Kaya siguro talagang di na ako pwedeng lumaki. Mula palengke, tatawid ng Malcolm Square (wala pa’ng overpass noon at plano pa lang ni Jun Labo iyan noong unang tumakbo siya bilang mayor) at lalakarin paakyat ng Session Road lagpas ng Patria de Baguio hanggang sa Baguio Cathedral. Dapat nasa entrada ka na ng isa sa mga pintuan ng Cathedral bago mag-6:30 AM para maaga maubos ang tinda mo.
Pero hindi rin madaling magtinda sa Cathedral noon dahil madalas nakikipag-patintero kami sa mga alagad kuno ng simbahan na. Naka-putting amerkana sila na may patse sa kaliwang dibdib. Napapalayas at nabubulyawan kami. Aalis kami. Iikot lang at muli na namang naka-display ang dyaryo namin sa hagdan. Alam ko naman ang kwento ng isang bible story na kung saan tinaboy ni Hesus ang mga tindero’t tindera sa simbahan pero binawi na lang namin ng sabay na pagdarasal. Pagdarasal na sana’y maaga maubos ang dyaryo namin.
Sa bawat pagtitinda sa Cathedral tuwing Linggo ay tiba-tiba na ako sa P1.50 na kita. Hindi pa doon natatapos ang trabaho. Magsisipagtakbuhan kami patungong Kisad upang ibili ang kita namin ng ilang pirasong Midland Couier. Matiyaga kaming nakikipila at muling ibili ang kinita namin noong araw na iyun. Mabenta ang Midland. Good as cash ika nga. At sigurado kang kikita ng doble porsyento ang nauna mong puhunan na hindi kailangang sumasali sa pyramiding scheme o networking.
Hindi ko maubos-maisip na pagkalipas pala ng halos tatlumpung taon ay magsusulat at guguhit pala ako sa Baguio Midland Courier.
Pasado tanghali na ako madalas umuwi. Bibili muna ako ng cinnamon sa palengke pasalubong sa mahal kong nanay. Pero habang naglalakad ako pauwi ay kinakain ko na unti-unti ang cinnamon ng mahal kong nanay.
May extra na akong pera para sa pag-aaral ko at siyempre may cinnamon pa ang mahal kong nanay.
Sayang at hindi ko naisulat eto sa Slum Book ng classmate ko.
Hindi ako naging businessman o negosyante dahil lamang nagbenta ako ng dyaryo. Talagang para sa mga instik lang ang negosyo na kung saan ay bawa’t sentimo ay mahalaga at hindi marahil basta-basta bumibili ng cinnamon mula sa kita para lang sa nanay nila. Pero siguro naman, mahal din nila nanay nila.
Sa pagtitinda ko ay natuto akong makipagsabayan sa buhay. Maaga ko natutunan ang tinatawag nilang ‘Survival of the Fittest’ at ‘Rat Race.’ Hindi pala tutoo na karera ng daga iyun.
Natuto ako’ng makipag-box out sa pila ng diyaryo para lang mapaaga ang pagbebenta ko. Mabilis na ako magbigay ng sukli kahit tatlo-tatlo pa ang binili ni bosing at hindi na ako nasho-short sa remittance ko sa newstand.
May mga ilan-ilan ding malulungkot na yugto sa pagiging newsboy ko. Kasama na yata iyan sa teritoryo na kung saan kelangan mong makipag-umbagan para protektahan ang kita sa araw-araw. Kung minsan, hindi maiwasan na magawi ka sa mga lugar na hawak na pala ng mga mas astig pa na newsboys. Dangan kasi at nasutsot ako ng isang pasahero ng bus sa Pantranco sa Gov. Pack at ng matapos ko masuklian ang mama ay hayan na mga Pantranco boys na galit na galit sa pagtapak ko sa teritoryo nila. Mali talaga. Nagpapasalamat pa rin ako at hindi ako nabugbog. Buti na lang mukha pa rin akong sakristan at siguro, kahit paano, nakatulong ang pagdarasal ko sa Cathedral.
Nakigrupo ako sa mga ibang newsboys-tipong gang o fraternity na kung sakali may mang-away sa iyo ay may tatakbuhan ka na. Tambayan ko na ang Patria de Baguio sa bandang ibaba lang ng maliit na Steaks and Toppings restaurant ni Carlos Anton ngayon. Mayabang na ako ngayon at may back-up na ako sa Patria.
May mga araw na talo sa bentahan. Kaya bababa na ako ng Session Road at maglalatag sa hagdan ng Mercury Drug. Kung anung itsura ng hagdan ngayon, ganoon pa rin noong araw. Walang pinagbago. Pebble finish pa rin ang hagdan hanggang ngayun.
Minsan, may dumaang mga newsboy na halos kasing-edad ko at nagsisipagtawanan dahil madami pa akong naiwang dyaryo. Ang yabang nila porke ubos na dyaryo nila. Hinamon ko sila ng ‘square.’ Kainis at iyung malaki pa ang tumanggap ng aking hamon. Hayun, nag-wrestling kami sa tanghaling tapat. Mabuti talaga at wala pa’ng TV Patrol noong araw dahil kung hindi, headline na naman ang Baguio dahil sa rambulan ng kabataan.
Awa ng diyos, hindi pa ako umuwi na may black-eye o putok na labi. Mahirap talagang tamaan ang maliit. Tama si Manny Pacquiao, mas madaling tamaan ng suntok ang malaki.
Buti na lang at wala akong nilagay na boxer o mixed martial artist sa Slum Book dahil hindi ko pinangarap na maging war freak.
Ang isa pang dahilan kaya hindi ako maaring maging businessman ay ang madalas na hide-en-seek namin ng mga pulis. Kahit nakalatag sa bangketa o hagdan ng Mercury Drug ang dyaryo mo, dapat matuto ka’ng magbenta ng laging nakatayo at nakamasid sa kalsada. Huwag kang kukurap o didighay man lang dahil pag natsambahan ka ng pulis patrol na puting Tamaraw, huli lahat ng paninda mo at may libre na silang babasahin sa kubeta ng opisina nila.
Dapat may art din ang paglatag mo ng dyaryo sa bangketa. Maayos dapat ang pagkakasalansan na sa oras na parating na naman ang police mobile ay isang sungkab o daklot lang sa magkabilang dulo ng paninda na walang mahuhulog kahit isa sabay takbo sa Malcolm Square. “Di lumaon ay nagtatago na kami sa taas ng Mido Hotel sa bandang itaas ng Mercury Drug.
Malakas talaga ako magdasal at siguro good shot talaga ako kay Lord dahil nga sakristan ako. Ni minsan ay hindi pa ako nahuli o maisakay ang mga dyaryo ko sa puting Tamaraw ng mga pulis. Ang mga minalas na mahuli ay pinaglilinis sa opisina bago ibalik ang kanilang mga dyaryo.
Ang mga newsboy ngayon, maiksi na lang sigaw sa kalsada. DYARYO! Iyun lang. DYARYO! Matapos mapatalsik si Makoy sa EDSA Revolution noong 1986 ay nagsulputan na ang maraming dyaryo sa ngalan ng press freedom. Sinara ang Daily Express at ang Bulletin Today at Times Journal ay naging Manila Bulletin at Manila Times. Mayroon na kasing Philippine Daily Inquirer, Philippine Star, Manila Standard, Business World, Manila Chronicle, Business Mirror, Business World
Dagsa na rin ang mga tabloids na paboritong bilhin ng mga jeepney, taxi drivers at ng mga manyakis sa mundo. Maliban sa Tempo, People’s Journal, Balita, Taliba, at Pilipino Star, nandiyan na rin ang Bulgar, Tiktik, at Toro na hindi mahuli-huli dahil lamang sa tinatawag na press freedom.
In fairness, walang masyadong kaso ng rape noong panahon ng Martial Law dahil bawal maglabas ng mga hubad na litrato ng mga babae. Bawal ang mga tinatawag na graphic at violent pictures at video. Dahil sa dami ng malalaswang babasahin at sobrang press freedom, dumagsa ang mga kasong panggagahasa at masaker. Nauso na rin ang sexual harrasement, gang-rapes, child molestation at phedophilia.
Maswerte sila ngayon at dahil sa press freedom na iyan ay may sarili ng newstand ang karamihan sa mga kasamahan kong newsboy noong araw. Gawa sa kahoy at napinturahan ng berde bilang pagkaayon sa kulay ng Baguio kahit wala na masyadong Pine tree. Nakasandal ang mga newstands sa pader ng ilang establisimento sa mga pangunahing kalsada gaya ng Session, Bonifacio, Magsaysay, Harrison at Abanao. Hindi na rin hinahabol ng mga pulis ang mga newsboys at pinaglilinis ng opisina nila.
Gayun pa man, hindi ko naging ambisyun ang maging janitor ng mga pulis at hindi ko rin nilagay na maging businessman ako sa Slum Book ng classmate ko noong elementarya.
No comments:
Post a Comment