Saturday, 2 July 2011

Pinoy Ca Na Dian Chapter 2

IKALAWANG TSAPTER
Pagpapakilala

Madalas ding itanung ang mga nasa Slum Book sa unang araw ng klase maging elemntarya man, sekondarya o kolehiyo.
Pagkatapos ng nakakakabang written, heto naman ang makaubus-hiningang oral.
Maglilitanya ka ng mga pangarap mo sa buhay sa harap ng mga guro at kaklase mo. Malas mo kapag baluktot ka pa ring mag-ingles. Goodluck na rin sa iyo kung nataon na may magandang dilag sa klase mo at gusto mo pa sanang magpasikat.
Ewan ko ba kung bakit kelangan itanung pa nila sa kolehiyo kung anu’ng pangarap mo sa buhay. Siyempre, nasa architecture ako eh di siyempre gusto ko maging magaling na architect. Ganoon din naman siguro mga nag-nursing at nag-engineering-gusto nila maging nars at inhinyero.
 Kung sabagay, may mga nangarap maging accountant pero ang gusto ng mga magulang ay nursing kaya madalas, napipilitan lang. Gaya ko, gusto ng mahal kong tatay na maging abugado ako. Mayroon pa siyang drawing sa pad paper ko ng isang huwes na binigay sa akin upang magka-ideya daw ako kung ano ang abogasya. Nalaman ko lang, frustrated lawyer pala tatay ko. Nauna daw kasi lakwatsa niya sabi ng lola ko sa Abra. May kaya silang pamilya doon at halos lahat ng kapatid ng tatay ko ay nakatapos maliban sa kanya.

Tell me about yourself?
Laging naitatanong sa unang araw sa kolehiyo. Iyan ay kung may dumating talagang guro sa unang araw. Sabaay, kahit dumating man sa pangalawa o pangatlong araw ang instructor, mauuna’t-mauuna ang pagpapakilala sa klase.
Sa mga sigurista, mas maikli, mas mainam. No talk, no mistakes. Less talk, less mistakes. More talk, more mistakes. Kaya halos lahat ng pagpapakilala sa klase ay maiksi lamang. Pero hindi ako. Mas mahaba, mas sikat. Mas malalim, mas impressive. Mayabang ako eh.

My name is Reynaldo Jose C. Tamayo. My nickname isRey. I live at 88 Naguillian Roa, Baguio City. I am 16 years old and I want to be a great architect someday. My motto is Do unto others what you want others to do unto you. Thank you. Bow sabay upo na may ngiti sa mga labi ko.
Para ka na ring nasa beauty contest question and answer portion. At kelangan talaga para kang sumasagot ulit sa Slum Book pero hindi na siya pagsusulat kundi pagpapahayag sa pamagitan ng pagsalita. Kung mayroon mang naitulong ang pagsusulat sa Slum Book, iyan ay ang pagiging handa sa mga tanung gaya niyan.

Malalaman niyo rin ang halaga ng mga ito sumusunod na yugto.

MADALAS ako magkasakit dahil sa puyatan sa pag-gawa ng mga plano at drawings ng mga bahay. Mga disenyo ng mga bahay na hindi ko alam kung matitirhan ko pa o matapakan man lang ang loob nito. May isang pilosopo pa kaming kapitbahay noon na nagsasabing wala ng lupang tatayuan ang mga bahay na madidisenyo namin. Maling mali siya dahil pwede pa sa mga watershed at forested areas. Pwede pa nga sa Burnham Park o saan mang park sa Baguio huwag ka lang papahuli.
Mahilig na ako gumuhit. Madalas ako manalo sa painting poster-design contest. Ang pinakamalaking premyo na napalanunan ko noon ay P30 at isang tropeo na kasing-laki ng ruler ko sa eskwelahan.
Kanya’t noong high school, maging magaling na arkitekto ang naging ambisyon ko maliban sa US Navy. Fine Arts sana pero noong panahong iyun, wala pa sa UP College Baguio ang Fine Arts. Sa UP Dilliman pwede pa pero masyadong malayo at mas magastos.
Takot din ang nanay ko sa UP Dilliman dahil madalas hulihin ng mga sundalo ang mga aktibista ng UP noong panahon ng Martial law ang Pilipinas.
Lagi ka na ngang puyat, lagi ka pang bagsak sa mga drawings. Masaya na ako sa markang 75 sa bawa’t plate drawings na nagagawa ko. Dangan kasi, wala pa kasing Auto CAD noong araw. Nitong mga huling taon ko lang natutunan gumamit ng Auto CAD o Computer Aided Drafting. At 2D at 3D pa iyun na tinapos ko lamang ng humigit-kumulang na otsenta oras lamang. Mas madali para sa akin dahil may natutunan na ako sa architecture kahit paano.
Masungit ang mga college instructors namin. Uso pa iyung sigawan sa loob ng klase at batuhan ng eraser ng blackboard. Hindi pa naman ako nahahagip ng eraser. May bentahe din pala ang pagiging maliit kung minsan. Kung uso pa rin ang batuhan ng chalk o  eraser ngayon, malamang naging suki na ng Bombo Radyo o TV Patrol ang mga instructors na eto. Kasalanan ni Makoy iyan dahil takot pa kaming magsumbong sa media noon. Pero kung tutuusin, maganda rin siguro na may nakaambang eraser sa klase ng pangkasalukuyang panahon dahil mababawasan ang mga nagte-text tuwing klase at tunay na naka-focus sa lectures. Hindi sayang ang ibinabayad ng mga magulang sa matrikula na malamang nagsanla pa ng lupa o kaluluwa nila o inutang pa na 5-6 sa bumbay.
Hirap din ako sa math lalung-lalo na sa integral at differential calculus. Take two ako sa trigonometry at mabuti na lang at nakalusot ako sa algebra sa unang pagsubok kahit paano. Masyado na ring mahal ang mga gamit namin sa architecture. T-square, technical pens na Rotring o Staedler, technical pencil na may 0.5 na lead, sari-saring lapis na HB, F o H; 30-60 degree triangle at 90-45 degree triangle, templates na may iba’t ibang sukat ng mga letra,  bilog, oblong, parisukat at parihaba; at compass na may adapter para sa technical pen.
Sa papel pa lang, talo na agad sa gastos. Tracing paper  (dapat first class) para sa mga floor plans, illustration boards at watercolor paper para sa perspective drawings at scale models. Magastos talaga at sa kita lang ng mga magulang ko, kulang pa talaga. Nagtitinda na rin ang nanay ko ng sweepstakes noong araw pero sadyang hindi na kaya ang gastusin sa kurso ko.
Kaya nung na-tipus ako at na-confine sa hospital ng dalawang linggo. Huminto na ako sa pag-aaral ng architecture.
Kaya wala na rin iyung pangalawa kong ambisyon. Maging magaling na arkitekto. Nagmamagaling na lang nguni’t hindi naging arkitekto.
US Never. Frustrated architect.
            Nakakahiya ang naisulat ko sa Slum Book ng classmate ko sa elementarya.
           

No comments:

Post a Comment