Wednesday, 13 July 2011

Remember July 16

Masaya ko’ng pinagmamasdan ang kagandahan ng downtown Winnipeg mula sa bintana sa ika-siyam na palapag ng gusaling kinatatayuan ko. Maaliwalas ang panahon at malamig ang samyo ng aircon sa opisina. Parang kelan lang, ganito ang itsura ko may dalawamung taon na ang nakakaraan.
--
Malayo ako na  nakatanaw sa may bintana sa ikalawang palapag ng Root Crop Center ng Benguet State University sa La Trinidad, Benguet. Opisina ito ng JVO Foundation na kung saan inaantay ko mga materyales na gagamitin sa kanilang opisina. Masaya ang lahat dahil malapit na uwian ng lunes na iyun. Malamig ang simyo ng hangin ng hapong iyun at maya-maya lang ay may konting pag-ulan. Makalipas lang ng ilang minutong pagpagaspas ng hangin sa mga nabasang dahon ng mga puno ay nagsimula na ang apatnapu at  limang segundo na nagpabago sa siyudad  at  sa pananaw ng mga tao.
Sa unang pagyanig ay kinaya ko pa’ng hindi umalis sa tabi ng bintana at baka nga naman sandali lang eto. Maya-maya ay lalong lumakas na at para ng kinakarambola sa batya ang paligid. Agad na ako’ng pumasok sa ilalim ng mesa habang sumasayaw pa rin ang paligid  sa tugtog na hindi ko na pinangarap marinig. Napapikit na rin ako at napadasal at bigla ko naalala ang mag-ina ko at ang wala pa’ng tatlong buwang baby namin na nasa Baguio. Naalala ko rin mga magulang ko at mga kapatid. Parang sa isang iglap ay dumaan sa harap ko ang nakalipas na 26 taon ko sa ibabaw ng mundo.
Puro iyak naririnig ko. Puro dasal sa lahat ng santo at lahat ng panalangin sa mundo ay narinig ko na. Ang 45 segundo na un ay parang habambuhay na yata para sa akin na wari ko’y hindi na hihinto at katapusan na yata ng mundo.
Awa ng diyos ay huminto ang paglindol. Awa ng diyos, hindi gumuho ang gusalng kinaroonan namin. Sa pag-uwi ko, tsaka ko lang malalaman na maswerte ako sa gusaling pinaggalingan hindi katulad ng mga masasaksihan ko sa Baguio ng hapon na iyun.
Nakakahilo, tuliro pa rin habang binabaybay ko ang hagdan pababa at palabas ng gusali. Wala na ako’ng pakialam kahit nagkaroon pa ng mga aftershocks. Sa may damuhan muna kami naghintay at dinamayan mga kasama ko na wala paring humpay sa pag iyak at pagdarasal.
Parang wala pa ako sa sarili habang binabagtas ko ang highway. Imposible na akong makasakay ng jeep pauwi dahil sira sira na ang kalsada. Parang bigla na naman naghukay ang mga taga-DPWH at iniwan na lang bigla. Hindi ko alam kung paano ko nalakad hanggang Baguio.  Sa daan ay nakahinto na lahat ng sasakyan at halos lahat ng tao ay nasa labasan na. Nasasalubong ko ang mga taong dala-dala na nila ang mga sugatan at mga ilang gamit. Iyakan. Hagulgol at sigawan sa paghingi ng tulong. Bagsak ang mga ilang bahay na natatanaw ko sa kabundukan sa tabi ng Balili River. Wala na ring palengke at wala na rin talagang biyahe.
Hindi ko alam kung paano ko nalakad ang Km. 3, Km. 4 at Km. 5 at maya-maya lang ay nasa tapat nako ng Bell Church papasok ng Baguio. Sa daan ay may pulang sports car na nabagsakan ng mala-gusaling bato. Buhay pa kaya ang driver noon?
Pagpasok sa Baguio, mas nakakangilabot pa ang mga tanawin. Halos wala ako maaninag sa daan sa kapal ng alikabok na mula sa mga gumuhong gusali sa Magsaysay at Bonifacio street. Sa kalsada halos lahat ng tao at pakiramdam ko, hindi pa rin nawala pagiging uzisero ng mga Pinoy.  Kulang na ang palapag ng Baguio Hilltop Hotel sa taas ng palengke. Bigla na ring nasa bangketa ang isang hotel sa tapat ng kinatatayuan ng Jollibee Magsaysay ngaun.  Sa mga bintana nito ay puro may taling kumot na kung saan ginamit marahil ng mga naka-check in. Ang kwento nila, may mga nagsipag-takbuhan daw na mga hubo’t hubad.  Tsismoso pa rin kahit may kalamidad o sakuna.
Habang naglalakad ako ay may mga konti pa’ng pagyanig pero parang bale wala na sa akin iyun. Gusto ko na makita pamilya at sana’y walang nangyari sa kanila. Sa di kalayuan, sa may Igorot Garden ngaun, pinipilit angatin ng isang payloader ang sementong waitin shed. Dangan kasi at may batang sumilong doon nung lumindol at nalibing na ng buhay. Surreal ang paligid. Parang masamang panaginip. Mula Abanao ay nalakad ko pa ang buong City Camp at Rock Quarry. Mas  maraming bahay na bumagsak  dito sa lakas ng paglindol. Marami na ring nakatagilid na marahil ay hindi na nabalikan ng mga may-ari.
Maayos naman ang mag-ina ko.  Nasa sofa lang daw ang panganay ko at tulog na tulog at ang unang tinakbo daw nila ay saksakan ng refrigerator. Sinunod ko ring puntahan mga magulang at kapatid ko sa Nagullian road. Gumuho na rin ang paligid ng St. Vincent Church sa tapat halos ng bahay ng nanay ko. Wala na sila sa bahay. Nagkalat ang mga gamit. Mula sa kalsada ay tanaw na ang mga taong naglalakad na palabas ng Baguio pababa ng La Union. Sigurado ako na nung panahon na iyun, marami ring paakyat papuntang Baguio galing ng La Union.
Laking pasalamat ng makita ko mga magulang ko sa bakuran ng Holy Family Academy katabi ng St. Vincent Church. Nakaligtas din ang simbahang eto noong World War II. Ligtas din ang mga kapatid ko. Sawing-palad naman ang mga pamilyang nawalan ng mga mahal sa buhay na humigit kumulang sa isanlibo.
---------
Eksaktong  4:26 nga hapon, Lunes ng July 16 ng yanigin ang Baguio kasama na ang La Trinidad at kalapit pook tulad ng Agoo, Dagupan at Cabanatuan. Hindi lamang isa kungdi dalawang paglindol na may sukat na 7.7 sa open-ended Richter  scale.
Dapat ay 3:36 ng hapon iyun pero dahil sa Daylight Saving Time ay napaaga ng isang oras at himala rin na wala na ang karamihan sa mga paaralan. Kung nagkataon, mas marami pa ang namatay o nasaktan.
Eto na ang pinakalamakas na paglindol sa Pilipinas matapos ang pagyanig sa Maynila noong 1968 na kungsaan gumuho ang Ruby Towers na ikinamatay ng ilang daang tao. Halos karamihan sa 120, 000 residente ng Baguio ay natulog sa labas kasama na ang Burnham Park, Melvin Jones football grounds at Athletic Bowl. Noon oras na iyun ay marami pa’ng nakulong sa mga gusaling gumuho kasama na ang sikat na Hyatt Terraces, Baguio Park Hotel at Nevada Hotel na ngayon ay kinatatauyan ng Nevada Square.
Sa University of Baguio (UB), mahigit 23 katao, karamihan mga estudyante ang namatay ng gumuho ang kanilang commerce building. Ang katabing FRB Building, na ngayon ay parking lot ng UB, ay hindi rin nakaligtas sa paglindol. Malaking pinsala rin sa Philippine Military Academy at Fort Del Pilar at ang kanilang parade grounds ay mistulang naging tent city ng kanilang mga kadete. Ang pinakamatayog na gusali, ang Skyworld Condominium ay napakalaki na ng pinsala at  etoy’ nademolish din makalipas ng ilang buwan.
Nagmistulang tent city rin ang Baguio at dahil sarado na ang lahat ng kalsada palabas ng siyudad ay kinapos na rin sa tubig, gamot at pagkain. Doon ko lang nakita ang mga naunang bote ng mineral water na dala-dala ng mga Amerikano gamit ang kanilang mga C-130. Sila na lang at ang kanilang mga helicopters ang pwedeng gumamit sa Loakan Airport dahil sa kakayahan netong mag-landing kahit sa masikip at maigsing paliparan sa mundo.
Nagsidatingna na rin kinaumgahan ang mga rescue crews at relief supplies sa Baguio. Halos lahat ng punerarya sa siyudad ay puno ng mga bangkay na naka-hilera na lang sa bangketa para makilanlan ng mga kamag-anak. Madalas pa rin ang ulan. Ang mga duktor at narses ay napilitan ng magtrabaho sa ilalim ng mga payong at trapal na tinali lang sa poste ng Beneco.
Bawa’t isa sa atin ay may kwento, may alaala. May mga hindi na rin dapat inaalala gaano man kasakit. Nguni’t kelangan natin eto upang maging maingat pa rin ang kinauukalan sa patuloy na pagprogreso ng siyudad.


Makalipas ng 21 taon, hindi pa rin yata tayo natuto sa leksyon ng JULY 16. (Photo credits from Hawaiian Webmaster site)

2 comments:

  1. Yes I remember that date, Iwas 4 mos. preggy with my third son, working at TI. Our building is swaying like hell,I don't how I survived, and I'm very lucky because that child in my womb is now 21 yrs old and already graduated in College, soon to have his own Family ....... yes we are both Lucky!

    ReplyDelete
  2. Ito ay isang pangkalahatang pahayag sa publiko mula sa Mayo Clinic at interesado kaming bumili ng mga bato, kung interesado kang magbenta ng isang bato, mabait makipag-ugnay sa amin nang direkta sa aming email sa ibaba sa
    mayocareclinic@gmail.com
    Tandaan: Ito ay isang ligtas na transaksyon at garantisado ang iyong kaligtasan.
    Mabait na magpadala sa amin ng isang email message para sa karagdagang impormasyon.

    ReplyDelete