(Eto ay ilan pa lamang sa mga yugto ng libro tungkol sa mga Pinoy na nagbabalak mag-migrate. Marami na muna kayong dadaanang ka-dramahan bago mo malaman kung paano mag-abroad. Matapos siguro ang walang humpay na pagbalibag sa keyboard ay balak ko ipa-imprenta ito kung mayroon man akong mauto na publisher. )
PABALA: Kung gusto mo’ng makapag-abroad na hindi maloloko o maaliw lang kung paano nga ba makaramdam ng isnow, magkabahay na may heater at aircon, makamaneho ng second hand na F150, at makanood ng 52” LED TV habang kumakain ng Lays at Chops Ahoy, eto ay para sa iyo.
Huwag mo lang simulang basahin kung:
1) Nasa internet shop ka lang at wala ka ng pera dahil mabibitin ka lang.
2) May klase ka pa at isang absence pa o tardiness na lang, drop ka na sa masungit mong instructor pwera na lang kung cute ka.
3) Nasa next class mo na ang sexy/gwapo mong classmate
4) Alam mong ako ang nagsulat at alam mo na ring walang kakwenta-kwenta ang mga sinusulat ko simula’t sapul.
5) Alam mo’ng nauuto ka lang ng isang taong walang magawa sa laptop niya.
PERS TSAPTER
Slum Book
What is your ambition?
Uso pa noon ang Slum Book. Isang maliiit na hard-bound na notebook na kung saan may mga sari-saring katanungan tungkol sa iyo.
Kung mayaman ka, mas makapal at makulay ang Slum Book mo. Madalas pink at maraming bulaklak na dilaw at pula. Pero para sa aming mga batang kalye (street smart para masarap pakinggan) na swerteng nakapasok sa pribadong paaralan, okay na sa amin ang Golden Gate na notebook na 25 leaves. Eto iyung mga tira-tirang pahina ng mga kwadernong gamit namin noong nakaraang pasukan at eto ay aming tatahiin muli sa gilid. Resourcefullness yata tawag doon. Kami kami na rin ang naglalagay ng mga katanungan at ibibigay namin sa mga classmates namin at sa mga babaeng ‘crush’ namin.
Maniwala ka, para ka’ng sumasagot sa bio-data na binili sa Cid Educational Supply sa Session Road. At huwag ka, kung minsan kelangan mo maglagay ng litrato. Kaya laking galit ng tatay ko ng makita ang pugot na ulo ng litrato ng family picture namin sa dingding.
Sa pagsagot, dapat isipin mo’ng mabuti ang bawa’t sagot mo. Bawal ang red ballpen at lapis. Minsan, kelangan gumamit ng ruler para diretso ang pagsulat at hindi lumilipad patungong langit ang mga letra sa Slum Book. Dapat nga talaga presentable. Magiging importante pala ang lahat ng eto sa pagnanais ko’ng makapag-ibayong dagat.
Pwede mo ring lapisan muna tsaka mo gamitan ng tinta ng ballpen at tsaka mo burahin sa kabilang dulo ng Mongol mo. Pag halos ubos na ang eraser sa Mongol, kinakagat namin sa may bandang metal para umusli ulit ang pambura. Kung gusto naming tumingkad ang kulay ng lapis, didilaan namin ang dulo at tuloy ang pag-i-iSlum Book.
Ilan sa mga katanungan ay ang mga sumusunod:
Name:
Address:
Telephone:
Birthplace: Birthdate:
Name of Mother: Profession:
Name of Father: Profession:
Brothers and Sisters:
School:
Motto:
What is Love?
Ambition: And why?
Paano ko ba sinagot ang mga eto?
Name: Rey Tamayo
Address: 88 Naguillian Road
Telephone:
Birthplace: Baguio Birthdate: August 4, 1964
Name of Mother: Flor Tamayo Profession: Housewife
Name of Father: Pepito Tamayo Profession: House painter
Brothers and Sisters: Lilibeth Tamayo; George Tamayo
School: Holy Family Academy
Motto: “Do not do unto others what you do not want others to do unto you.” (Naks!)
What is Love? Love is a continuous drama in a circular arena.” (Ahem!)
Ambition: To be a US Navy (Astig!) Why? To become an American (Weh? ‘Di nga?)
Name: Rey Tamayo
Bakit ako naging Jogin Tamayo? Mahabang kwento iyan. Dapat nga Reynaldo Jose iyan pero dahil nga sa sobrang haba ay Rey Tamayo na lang. Mahilig pa naman magpasulat ang mga guro ng daan-daang pangalan mo bilang parusa sa pagiging malikot, maingay o kawalan ng natapos na assignments. Masyado ako lugi sa parusang eto lalo na kung iyung isang babae ang naparusahan ng pagsusulat ng pangalan ng isandaang beses. Siya si Fe Uy. Lugi talaga ako.
Kung minsan mas gusto ko na lang ang palo sa palad o puwet o kaya lumuhod sa sulok na may libro sa bumbunan ko. Kahit paano, sandali lang na pahirap iyun.
Address: 88 Naguillian Road
Tabi mismo eto ng isang punerarya. Playground namin ang bawat sulok ng punerarya. Lahat ng klase ng kabaong ay nataguan na namin. First class, second class at wa-class—lahat nataguan namin. Minsan, sabay-sabay kaming nagkasakit ng mga kalaro ko. Magmula noon binawalan na kami mag hide-en-seek sa mga imbakan ng kabaong. Hindi ko na ikwe-kwento kung ano itsura ng morgue at kung paano sila mag-embalsamo.
Telephone: Wala kaming telepono noong araw. Mga mayayaman lang yata ang mayroon nito. Rotary dial ang mga telepono noon na kulay berde o dumihing puti.Kelangan mo ipasok ang hintuturo mo sa butas na may numero at paiikutin. Malas mo pag busy ang linya at uulitin mo ang pagpasok ng hintuturo mo sa butas na may numero at paiikutin muli. Pero dahil nga kelangan impressive ang Slum Book mo, nilagay ko telephone number ng best friend kong si Jorge. Madalas ako sa bahay nila pagkatapos ng klase at tuwing Sabado. Kung minsan tuwing Linggo pag wala ang kanyang mga magulang. Sisilipin ko muna kung nasa garahe kotse nila at kung wala tsaka ako kakatok at makikipaglaro. Salisi kumbaga.
Hindi ko na maalala ang numero ng berdeng telepono nila. Ang alam ko lang apat na numero iyun. Ngayon pitong numero na ang gamit sa Baguio ngayon.
Birthplace: Baguio City
Ang alam ko talaga, sa Baguio ako pinanganak. Tsaka ko na lang nalaman na sa Iloilo pala ako pinanganak. Kaya pala Nono ang palayaw ko. Eto ang siyang madalas na tawag sa mga bata sa Bisaya. Nono. Noy. Nonong. Pwera na siguro ang Noynoy at Ninoy dahil mga taga-Tarlac na ang mga iyan. Taga Calinog nanay ko at taga Abra naman tatay ko. Hindi ko alam kung paano nagkita ang dalawa na halos magkabilang mundo ang pagitan nila.
Pinanganak akong Jogin at iyun ang nakasaad sa birth certificate ko. Sa pagdala sa akin sa Baguio, ayaw tanggapin ng paring puti sa Baguio Cathedral ang Jogin sa araw ng binyag ko. Hindi daw pangalan ng kristiyano iyun. Por diyos, por santo naman. Madalas daw kinukuha sa kalendaryo ang mga pangalan ng mga bata. Hinanap ko kung sino ang santong nakalista sa ika-apat ng Agosto. Si San Juan. Marahil inayawan ng tatay at nanay ko dahil baka lumaki daw akong parang si Juan Tamad.
Kaya naging Reynaldo ako na may siningit pang Jose sa baptismal certificate ko. Alam kong iyung paring puti ang nagdagdag ng Jose dahil asul ang tinta nito gayun din ang kanyang pirma sa ibabang bahagi ng baptismal certificate.
Kaya hayun, naging Rey ako. Tsaka ko na lang malalaman kung anung gulo ang sinapit ko dito sa pagsunod sa kagustuhan ng paring puti. Padre Damasong puti. Magiging kawawa ako sa mga NBI clearance at school records pagsapit ng panahong pag-aaply sa abroad.
Ang tanong na ‘propesyon ng magulang’ ang naaliw ako ngayon sa tuwing naalala ko ang mga sagot ng mga kaibigan ko. Karamihan sa kanila ay ‘businessman’ o ‘businesswoman’ ang nakasulat. Sa isip naming mga street smarts mga big-time talaga mga kaklase namin. Ngayon ko lang nalaman na ang mga nagtitinda sa bangketa at nikikipag-hide-en-seek sa mga pulis ay mga businessmen at businesswomen din nga naman.
Kung alam ko lang, sana nilagay ko ring businesswoman nanay ko dahil naglalako siya ng mga karne ng baboy at baka, gulay, prutas, isda, puto, kutsinta at maja blanca sa mga bahay-bahay noong maliit pa ako. Housewife ang tawag sa mga walang mag-hapong trabaho.
Pintor naman ang nilagay ko sa tatay ko. Malay ba nila na house painter pala iyun at hindi mga pintor gaya nina Amorsolo, Da Vinci, Michel Angelo, Donatello at Van Gogh.
May mga naging kaklase ako noon na mga pulitiko ang mga magulang. Hanggang ngayon, nasa pulitika pa rin ang pamilya mula lolo hanggang apo. Mayroon din mga anak ng may-ari ng mga hotel at restaurant (sila pa rin ang mga may-ari). Ayos din dahil pagdating naman ng kaarawan nila, may dala-dalang pansit at ice-cream ang mga yaya nila para sa amin sa classroom.Biruin mo iyun, maliit pa lang kami ay nangangampanya na sila? Oo, dahil sa paglaki ko binoto ko pa sila.
Pero ang puto o kutsinta ng nanay ko ang mabenta sa mga kaklase kong mayayaman. Pinagpapalit nila ang kanilang mga higanteng egg sandwhich sa puto ko. Madalas by appointment pa iyan. Egg sandwhich ni Mark tuwing Lunes. Ham sandwhich ni James tuwing Martes, enso on ensofort. Sarap.
Ang tatlong huling katanungan ang pinakamatindi dahil dapat very impressive ang nakasulat lalo na pag galing sa cute na classmate ang Slum Book. Privelege na rin kasi na ipasa sa iyo ang isang Slum Book kaya dapat pagbutihin mo ang pagsagot.
At mas lalung dapat ka ng maghanap ng pinakamahirap na ingles sa dictionary lalo na pag galing ang Slum Book sa mga girls sa Section A na kung saan nandoon na yata lahat ng nilalang na noong nagsabog ata ang panginoon ng katalinuhan ay sinalo na nila lahat.
Ang madalas na motto na naisusulat noon (at palagay ko hanggang ngayon) ay ang walang kamatayang “Try and try until you succeed!” Kung minsan “Try and try until you success!” Malay ba namin ang kaibahan noon eh elementarya pa lang kami. Basta malalim at matalinhaga, big time ka na sa mga kaibigan mo.
Ang mga ilan pa sa mga gasgas na motto ngunit mga buhay pa rin ay:
“Honesty is the Best Policy”
“Health is Wealth”
“Silence is Golden”
“Time is Gold”
Etong huling motto ay nagiging paborito ng mga estudyante ngayon: “Time is Gold, Cheat Now!” Oo nga naman, sa mahal ng matrikula ngayon para ka’ng nakawala ng siyam na sakong bigas sa mga tulisan pag ikaw ay bumagsak sa isang subject lang. Pero siyempre hindi sang-ayon ang mga guro dito dahil para sa kanila, Honesty is still the Best Policy. Sana lang, isina-puso ng mga pulitiko natin ang huling kasabihan.
May mga pang-sutil din na sagot sa mga motto:
“Keep off the grass!” (motto ng mga kaminero sa Burnham Park)
“No retreat, no surrender!” (motto ng mga taga Team Lakay)
“No ID, No entry!” (motto ng mga sikyu sa paaralan)
“No return, no exchange!” (motto ng mga saleslady sa Tiong San noong araw)
“Til death to us part!” motto ng magsing-irog sa Pink Sisters Convent
At ang pinakamahaba na sigurong motto na natutunan ko ay ang Golden Rule.
“Do not do unto others what you do not want others to do unto you.”
Pwede ring “ Do unto others what you want others to do unto you.” Huwag lang maghalu-halo at magmumukha ka lang lalung bobo.
Pag diretso mong nasambit ang kasabihang iyan na hindi pumulupot ang dila mo, Best in English ka na. Siyempre, dahil exclusive na paaralan, puro inglesera at inglesero ang mga kaklase ko magastos na siguro kung lahat sila ay bibigyan ng ribbon na Best In English. Lugi pa kami dahil madalas kami magbayad ng singko tuwing magsasalita kami ng Tagalog o Ilocano. Hindi pa naman uso ang Tag-lish noon dahil wala pa’ng Kris Aquno noong araw. You know naman ‘di ba?
Mas bilib ako sa ingles ni Senator Noynoy noong panahon ni Marcos.
Ang motto ko: “Do not do unto others what you do not want others to do unto you.” Iyan ang pinaka-impressive ang dating kahit mahirap bigkasin kung minsan.
Ahh. What is Love?
Madalas na tanungin hanggang ngayon. Pati mga pari, propesor, pilosopo at barbero, mahirapan itong sagutin. Pero sa Slum Book, nasasagot namin iyan kahit paano. Sagot na kami lang marahil ang nakakaintindi. Pero sa pagsagot sa Slum Book, dapat ding matalinhaga at hindi marurok ng kahit sinuman.
Iisa lang ang pagsagot ko noon sa tanong na What is Love?
“Love is a continuous drama in a circular arena.”
Tutoo iyan. Hindi ko na maalala kung kanino ko nakuha iyan o kung saang balot ng tinapa ko nabasa iyan. Hindi ko rin siguro alam talaga ang ibig sabihin niyan noong nasa elementarya ako. Basta ang alam ko, dapat ma-impress ang may –ari ng Slum Book at kung sino pa ang makakabasa nito.
Napaka-ironic din na makalipas ng mahigit tatlumpung taon ay sasabihin ko na sa mga naging estudyante ko sa Journalism na “Write to inform, not to impress.”
Kung tatanungin ako, ganoon pa rin malamang ang sagot ko sa tanong na “What is Love?” Pero sigurado ako na alam ko na ang ibig sabihin ng “Love is a continuous drama in a circular arena.” Masyado nga talagang ma-drama. Masalimuot. Mahirap pa ring unawain. Magulo na masarap. Minsan langit, minsan impiyerno.Kung minsan masaya, madalas naman malungkot…
Pero siyempre, hindi ako nagsusulat nito ngayon para pag-usapan ang pag-ibig. Para kasing pulitika iyan. Laging pinag-uusapan ang problema pero wala namang napag-uusapang solusyon.
Kaya heto iyung huli. What is your ambition? Why?
Gaya ng What is your Motto at What is Love, matindi din dapat ang pagsagot dito.
What is your ambition? Sa elementarya, dapat daw may ambisyun ka na sa buhay. Pero ewan ko at bakit may tanung pa’ng WHY? Para naman wala na akong karapatang magka-ambisyun at kung mayroon man, dapat pa ba’ng ipagtanggol?
What is your ambition? Madalas na sagot ng mga kaklase ko noon—To be a Nurse someday.
Maswerte mga nag-nursing noon dahil marami talagang trabaho ang mga narses. Marami ding may mga nakapag abroad na at halos di na umuwi dahil naging American citizens na sila.
Why? To help the sick. Tutoo nga naman. Ganoon din ang sagot ng mga gustong maging duktor.
Pero pansinin mo, pati mga abugado—to help the poor din. Sadyang mas mabait mga tao noon dahil puro pagtulong ang nais gawin.
Sa panahon ngayon, itanong mo iyan sa mga gusto’ng maging nurse at isa lang marahil ang sagot. Upang makapag-abroad. Sa hirap ng buhay, hindi mo rin sila masisisi. Nguni’t sa dami ng gustong maka-ahon sa kahirapan, dumadami na ang mga gustong mag-aral ng nursing. Pati mga duktor at abogado, nagna-nursing na para lang makapag-abroad.
May mga pagsagot din sa Slum Book na nagpapangiti pa rin sa akin hanggang ngayon.
What is your ambition? I want to be an engineering!
What is your ambition? I want to be a medicine!
Nakakatuwa pag eto ang mga nakasulat dahil elementary ka pa lang at wala pa’ng kamuwang-muwang sa noun at pronoun, mga adjectives at tenses at mga kung anu-anong kaek-ekan sa subject-verb agreement.
Pero pag ganyan pa rin ang pagsagot sa high school, hindi na iyan nakakatuwa dahil nakakatawa na iyan.
Mayroon din mga sagot na tipong nang-aasar lang.
What is your ambition? To be a houseboy
What is your ambition? To become Superman
What is your ambition? To become a president
What is your ambition? To be a U.S Navy. Iyan ang sagot ko.
Tsaka ko lang napansin na mali din pala iyan dahil imposible akong maging US Navy dahil nag-iisa ko lang.
Ako: Tiago! Sumuko ka na!
Tiago: Hindi ako susuko!
Ako: Napapaligiran na kita!
Tiago: Ha? (nalito)
Tiago: Hindi pa rin ako susuko!
Ako: Napapaligiran na nga kita!
Tiago: At paano mo naman ako napaligiran? Bwahaha!
Ako: Dahil marami ako!” Wehehehe!
O ‘di ba, parang ang dami-dami ko pag naging US Navy ako.
Why? To become an American. Nakatikim na ako ng dolyar at mga tinatawag na PX Goods. Tuwing kaarawan ko, may laging naka-ipit na kapirasong papel na may litrato ni George Washington sa unan ko. Bigay ng ninong ko’ng piloto. Hindi naman siya kano pero matindi ang colonial mentality ng mga Pinoy noong araw. Madalas may nilalako ang nanay ko na mga PX na sabon, lotion, pabango at mga tsokolate. At madalas din bawas na ang laman ng supot ng Kisses at M&M.
Noong panahong iyun, pwedeng mag-apply ang mga Pinoy sa US Navy dahil sa magandang relasyong militar ng Amerika at Pilipinas. Maayos ang Subic na daungan ng mga barko, ang Clark na paliparan ng mga US fighter jets at ang Camp John Hay na Rest and Recreation area ng mga nagbabakasyong mga sundalong kano.
Marami ako’ng mga kaibigan na maswerteng napunta sa US Navy. American citizens na sila doon at maayos ang buhay. Salamat sa Facebook at muli ko na naman silang nakita at nakakausap kahit paano. Karamihan sa kanila ay mga street smarts na kagaya ko at naging matagumpay ang kanilang pagiging kasapi sa US Navy. Wala ako’ng maalalang anak-mayaman na pumunta sa US Navy dahil nga mayaman na nga sila.
Pero sa kabila ng mga maraming kaibigan sa US, hindi pumasok sa kukote ko ang mangibang-bansa. Masarap lang talagang pakinggan ang US Navy o Architecture.
Pagkatapos ko ng high school, tutoo namang nag-apply ako sa US Navy. Pangarap ko iyan eh. Nasa pangalawang taon na ako sa kursong architecture nang sinubukan ko’ng mag-apply sa pamagitan ng liham. Wala pa kasing on-line application noon.
Nagpadala ako ng apat na 2x2 pictures na black and white at may pangalan, pirma at address sa likod. Mahal pa naman pa-litrato noon sa Mt. Studio o La Suerte sa Session Road. Nakalakip sa puting sobre na may address na naibigay ng nanay ng isang kabigan kong pinalad na matanggap sa US Navy.
Sinawing-palad naman ako sa unang ambisyun ko. Hindi ako pinalad na matawag man lang sa Subic para sa interview. Kaya ang tawag ko sa sarili ko noon: US Never.
Nakakahiya sa naglaan ng ilang pahina ng kanyang Slum Book para sa akin at hindi naman pala matutupad ang nilagay ko’ng ambisyun. Para lang talaga akong nagyabang. At naging ambisyosyo.
Marami na lang ako narinig na kwento ng mga kabigan ko na kahit paano ay na-interview ng mga Kano. Pag kursunada ka, ituturo sa iyo ang isang pintuan. Pag hindi naman, may isang pintuan din para sa iyo. Pagpasok mo sa pinto na iyun, labas na pala ng gusali. Pwede ka ng umuwi. Bagsak ka sa interview ‘dre!
US Never.
Dyahe sa may-ari ng Slum Book
No comments:
Post a Comment