Saturday, 2 July 2011

Pinoy Ca Na Dian Chapter 7

 IKA-PITONG TSAPTER
Talentado

            Dahil sa malimit na pagbabasa ng dyaryo, magazines at komiks na rin, nahilig na rin ako sa mga bali-balita. Sumasali-Sali na ako sa quiz shows ng current events at spelling bees maliban pa sa on-the-spot poster at painting contests. Sumasali pa rin sa mga singing contests sa paaralan kahit na wala talagang future sa pagkanta. Napipilitan na lang dahil madalas ako takutin ng mataray na class president naming bakling na minus 5 daw ako sa homeroom subject pag hindi ako sumali.
            May kaklase ako’ng ka-apelyedo ko na naging valedictorian namin. Si Rosanna. Siguro magkamag-anak kami hindi dahil sobrang talino siya kundi parehong Ilocos ang pinagmulan ng angkan namin. Insan ang tawagan namin at ka-Facebook ko na ngayon. Cuzz na ang tawag sa akin bilang pakikipagsabayan namin sa mga kabataang pa-sosyal.
Na-Mafia na namin ang mga secondary contests. Kay cuzz lahat ng math at science contests at akin naman lahat ng art contests.
Kaya hindi naging mahirap na naging editor in chief namin siya nung nagkaroon na kami ng sariling pahayagan at tinawag etong The Beam.
Maliit lang ang sukat ng The Beam. Kasinliit ng short coupon bond, newsprint na second class ata iyun at black and white pa lang at mga walong pahina lang. Hindi ko na alam kung ilang kopya ang pinapa-imprenta ng eskwelahan noon.
Gusto ko ring maging staff member. Maging writer. Mayroon etong pagsusulit para sa associate editor, managing editor, features editor, literary editor, sports editor, at circulations manager. Walang muse at escort.
Astig ng newsletter namin na kahit walong pahina lang ay puro editors ang nasa staff box. Hindi ko maintindihan ang trabaho ng associate editor, managing editor, features editor, literary editor, at circulations manager pero parang kursunada ko ang sports editor. Lamang ako sa kaalaman tungkol sa isports. Nagpalista at naghanda ako sa araw ng pagsusulit. Nguni’t sa kamalasan pa rin yata ay hindi man lang ako nakatungtong sa classroom ng pagsusulit.
Ginawa na lang ako’ng kartunista ng school paper adviser namin. Pahamak na pinsan ko’ng editor in chief, sinumbong na magaling daw ako mag-drawing kaya hayun, isang hamak na kartunista na lamang ako ng The Beam. At ang pinaka-una ko’ng editorial cartoon ay ang isang mag-aaral na nalulublob sa putik ang mga sapatos tuwing pasukan. Dangan kasi at hindi pa talaga sementado noon ang aming quadrangle na puno pa rin ng lupa na among hinukay sa likod ng paaralan.
Diyan nagsimula ang pagkamulat ko sa mundo ng journalism.
Hindi ko rin pinangarap maging kartunista lamang. Gusto ko nang maging manunulat kahit hindi ko eto nalagay sa Slum Book ng classmate ko sa elementarya.

No comments:

Post a Comment